MANILA, Philippines – Magsasagawa ng malawakang vaccination sa buong bansa ang Department of Health (DOH) ngayong Setyembre upang mabigyan ng proteksyon ang nasa 11-milyong mga bata laban sa tigdas, polio at rubella o German measles.
Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, sisimulan ang programa sa Setyembre at sa susunod pang mga buwan sa mga batang may edad limang taon pababa.
“For the whole month of September, we intend to cover all children, about 11 million, with vaccination on measles and polio.
Ang measles o tigdas ay sanhi ng virus na madaling kumalat sa pamamagitan ng pag-ubo at kahit paghinga lamang ng pasyente sa isang kulong na lugar.
Ilan sa sintomas ng tigdas ay ang pagkakaroon ng rashes na mabilis na kumakalat sa mukha at buong katawan, ubo, baradong ilong, namumula at namamagang mga mata, at lagnat.
Ayon sa DOH, sa mahigit dalawang milyong batang ipinapanganak kada taon, hindi mapigilang sila ay mabilis na kapitan ng iba’t ibang uri ng sakit gaya ng tigdas.
Dahil dito, nananawagan ang kagawaran sa mga lokal na pamahalaan sa bansa na paigtingin ang pagbibigay ng bakuna laban sa mga nasabing sakit.
Tinatayang aabot sa 200-milyong piso ang gagastusin ng DOH sa nasabing nationwide vaccination program. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)