MANILA, Philippines – Gumugugol ang pamahalaan ng may P4.5-B kada taon upang makapagbenta ng mas murang bigas sa mga pamilihan.
Ayon sa National Food Authority (NFA), binibili nila sa mga magsasaka ng P17 ang bawat kilo ng palay, pero magiging P34 na ito kapag naging bigas na, bukod pa rito ang halaga ng pagbyahe at pagimbak ng bigas.
Pero sa mga pamilihan, ipagbibili lamang ito sa halagang P27 bilang regular-milled NFA rice at P34 naman sa kategoryang well-milled rice.
Kaya lumalabas na siyam na piso ang subsidiya ng gobyerno sa regular-milled rice at apat na piso naman sa well-milled rice, kasama na rito ang kita ng tindahan ng bigas na P2 kada kilo.
“Support price yan para nang sa ganun pag bumaba ang presyo dun sa 17 pesos natin plus 70 centavos, mag-intensify ng procurement ang NFA para tumaas presyo,” pahayag ni NFA Spokesperson Rex Estoperez.
Ayon sa NFA, sa ngayon ay hirap silang mamili ng bigas sa mga magsasaka dahil sa mataas na presyo.
“Sa ngayon kasi ang ating presyo sa sakahan umaabot ng P21-P22, which mataas. So ang NFA hindi nakakapamili kasi hanggang P17 tayo,” ani Estoperez.
Isa sa ginagawang paraan ng pamahalaan ay umangkat ng bigas na idinadan muna sa bidding.
Kaninang umaga ay isinalang sa bidding ang 500-libong metriko tonelada ng bigas na aangkatin ng NFA na pinondohan ng 10-bilyong piso.
Ayon kay Estoperez, magsisilbi itong buffer stock o reserba para sa huling quarter ng kasalukuyang taon.
“Ang tinitingnan natin kung sino ang mag-o-offer ng pinakamababa na base nung ating specification na yung delivery and specification of the quality of rice.”
Ayon sa NFA, komukunsomo ng 115 kilo ng bigas ang isang tao kada taon.
Sa Metro Manila naman, nasa 33-libo ng sako ng bigas ang ideni-deliver ng NFA sa mga pamilihan kada araw.
Isa sa pinag-aaralan ngayon ng Department of Agriculture ay kung papaano mapararami ang ani at mapabababa ang gastos sa pagtatanim ng palay.
Kung ikukumpara sa mga karatig bansa tulad ng Vietnam kung saan nanggagaling ang imported rice, nasa P8 ang gastos nila sa kada kilo ng palay.
Mas mura naman sa Thailand na nasa P5 lamang ang kada kilo ng palaya, halos kalahati lamang ng gastos ng mga magsasakang Pilipino. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)