CEBU CITY, Philippines – Patuloy ang ginagawang monitoring ngayon ng Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) ng Department of Health Region VII sa mga taong nagkaroon ng close contact sa lalaking namatay dahil sa meningococcemia.
Ayon sa record ng DOH-7, hapon ng August 16 nang namatay ang isang lalaki sa Vicente Sotto Memorial Medical Center.
Nauna ng na-confine ang biktima sa Danao Provincial Hospital.
Ayon kay Renen Cimafranca, RESU Head ng DOH-7, nakatira ang biktima sa Barangay Camputatan sa Danao Cebu.
Nabigyan na ng antibiotics ang mga nagkaroon ng close contact sa biktima kasama na ang mga kamaganak nito maging ang mga medical staff sa mga nabanggit na ospital.
Wala namang history of travel ang biktima sa alinmang bansa na apektado ng meningococcemia kaya iniimbestigahan na ito ng mga awtoridad.
Naipapasa ang sakit na meningococcemia sa pamamagitan ng laway ng biktima, o sa pamamagitan ng pagbahing.
Kabilang sa mga sintomas ng sakit na meningococcemia ang pananakit ng ulo at katawan, lagnat at pagsusuka. (Naomi Sorianosos / Ruth Navales, UNTV News)