MANILA, Philippines – Nilinaw ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) kung bakit lumobo sa labinlimang porsiyento ang kaso ng carnapping sa bansa sa kabila ng mahigpit na kampanya laban dito.
Paglilinaw ni HPG Spokesperson P/Supt. Elizabeth Velasquez, “Yung sinasabi nilang nag-doubled this year eh it can be attributed don sa medyo blotter base na kasi ngayon at noong 2013 ay hindi pa natin masyadong naka-catch lahat yung nagpa-file.”
Sinabi pa nito na batay sa tala ng HPG, 15 porsiyento ng pagtaas ng carnapping incident sa bansa ay karamihan dito ay mga motorsiklo.
Bukod sa madaling nakawin, tinitiyempuhan rin ng mga magnanakaw ang mga motorsiklo na naiiwan ang susi kaya madali nila itong nakukuha at ipinagbibili sa murang halaga.
“It can load in a van, pag may pumaradang van pag-alis ng van wala na rin yung motorsiklo, dalawang tao lang kaya na yung buhatin yung motorsiklo,” saad pa ni Velasquez.
Sinabi pa nito na maituturing lamang na opisyal na carnapped ang isang sasakyan kung sa Highway Patrol Group ito ini-report at ito rin ang nag-iisyu ng alarma.
“We can only consider it car napped kung naireport na yun sa HPG at nalagyan na natin ng alarma, yung iba hindi naman ire-report lang sa barangay and then afterwards, kinabukasan nare-recover din naman so yun ung dahilan kung bakit tumataas yung record natin,” saad pa ni Velasquez.
Hindi rin aniya maituturing na nasa kategorya ng carnapping ang mga sasakyang nawawala dahil ipinahiram, tinangay ng asawa matapos mag-away, bank fraud na pinalalabas namang nawawala ang kotseng ini-loan sa banko at casino fraud na kung saan isinasanla ang isang sasakyan kapag natalo sa sugal. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)