ARIZONA, USA — Aksidenteng napatay ng isang siyam na taong gulang na batang babae ang kanyang shooting instructor habang nasa firing range sa Arizona.
Sa huling video, makikita na tinuturuan pa ng 39-anyos na si Charles Vacca ang batang babae sa paggamit ng Uzi kasama ang kanyang mga magulang sa Bullets and Burgers shooting range.
Ayon sa Mohave County Sheriff Office, bigla nawalan ng control ang bata sa paghawak sa baril at aksidenteng tinamaan sa ulo ang kanyang instructor.
Nagawa pang itakbo sa pagamutan ang biktima subalit binawian din ng buhay makalipas ang ilang oras.
Sinabi naman ng pamunuan ng firing range, pinapayagan nilang turuan ang mga batang edad 5 hangggang 17 basta kasama ang kanilang magulang.
Itinuturing na isang aksidente ang pagkakabaril ng bata sa kanyang shooting instructor.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng mga pulis ang insidente. (UNTV News)