COTABATO, Philippines — Inatasan ni Cotabato City Mayor Japal Jojo Guiani ang City Veterinary Office ng lungsod na higpitan pa ang gnagawa nitong monitoring at inspection sa mga palengke sa lungsod kasunod ng pagkakakumpiska ng CVO ng 120 kilos ng double-dead na karneng baka.
Base sa report ng City Veterinary Office, nakumpiska sa isang lalakeng sakay ng tricycle na nakatira sa Matanog, Maguindanao ang daang kilo ng mga hot meat na nagkakahalaga ng 24,000 pesos na plano sanang ipasok sa mga palengke sa Cotabato City.
Kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 10536 o Meat Inspection Code of the Philippines at City Ordinance 1289 na nagbabawal sa pagpasok ng mga double-dead o botchang karne sa lungsod ang naarestong lalake.
Ayon kay Mayor Japal Guiani, dapat ay maglagay din ng inspection team ang city vet office sa mga entry points ng lungsod at masusing inspeksyunin ang mga tricycle at sasakyang pumapasok na posibleng may dalang mga double-dead na karne.
Nakikipag-ugnayan na rin ang lokal na pamahalaan sa PNP at militar upang tumulong sa pagbabantay at masugpo ang problema sa mga double-dead na karne.
Mahalaga aniyang matiyak na ligtas at malinis ang mga karneng baka at manok na nabibili sa Cotabato City at hindi ito nahahaluan ng mga double-dead o botcha.
Agad namang ipinresenta kay Mayor Guiani ang mga karne at sinunog sa harapan ng Cotabato City Hall.
Nagbabala din ito sa sinomang mahuhuling nagpupuslit ng mga double-dead na karne na kakasuhan ang mga ito at ipakukulong ng lokal na pamahalaan.
Una ng nagpaalala ang Department of Health sa panganib sa kalusugan ng publiko ang pagkain ng mga double-dead na karne. (LOUELL REQUILMAN / UNTV News)