MANILA, Philippines — Interruptible Load Program o ILP ang nakikitang solusyon ni Department of Energy (DOE) Sec. Joseph Petilla sa maaring maranasang power crisis partikular sa Luzon, sa susunod na taon.
Sa kanyang pagharap sa Budget Appropriations Committee ng mababang kapulungan ng kongreso, sinabi ni Petilla na posibleng magkaroon ng rotational brownout sa buwan ng Marso hanggang Mayo sa susunod na taon kapag hindi nakipagtulungan ang pribadong sektor.
Ayon kay Petilla, hindi nito tinitingnan ang pagtaas sa singil ng kuryente kundi ang masolusyunan ang kakulangan sa supply ng kuryente.
“It’s not the singil that we are looking at. It’s the brownout that we are looking at. So magkakaroon tayo ng supply pero ang singil ng kuryent will be market driven pa rin. I am not saying na hindi tataas ang sinasabi ko lang magiging market driven.”
Pinabulaanan rin ni Petilla na wala umanong investor na gustong magnegosyo o magtayo ng planta ng kuryente sa bansa.
“If you look at the history of plants being built sa panahon ni Presidente Aquino, may pinakamaraming planta tinatayo,” ani kalihim.
“Kasi it takes 4 to 5 years to build a plant so kung nagtayo ka ngayon or kahapon hindi matatayo yan ngayon kaya nga magbebenefit nito ay next administration din,” dagdag nito.
Ang ILP ay sagot ng DOE sa isyu ng power crisis ng bansa matapos na hindi gamitin ni Pangulong Benigno Aquino III ang emergency powers na naayon sa Sec. 71 ng Electric Power Industry Reform Act o EPIRA.
“If the private sector which actually controls the generation now, meron silang problema in coming up with supply. We will help in all possible way, pero talagang mayroon pa ring problema. Sabi ko magtulungan na lang tayo, government should come in a short term basis,” saad ni Sec. Petilla.
Ayon kay Sec. Petilla, para masolusyonan ang power krisis ng bansa, kailangan ng Department of Energy ang malakas na suporta ng gobyerno pati na rin ang pribadong sektor. Ang Interruptible Load Program o ILP ay temporary na solusyon lamang sa lumalalang problema sa suplay ng kuryente at maaari pa nitong taasan ang singil ng kuryente sa mga consumers. (Joyce Balancio, UNTV News)