MANILA, Philippines — Mangangailangan ng mahigit sa 40 bagong PCOS machine ang Commission on Elections (COMELEC) sa May 2016 elections kapag natuloy ang planong bawasan ang bilang ng mga presintong isasama sa clustered precincts.
Ayon kay COMELEC Chairman Sixto Brillantes Jr., mula sa dating isang libong presinto sa isang clustered precinct, balak nilang gawin itong 600 o 800 na lamang.
Target nitong mapabilis ang botohan kumpara noong 2010 at 2013 automated elections na ang mga botante sa 1000 presinto ang nagsisiksikan sa isang clustered precinct.
Kung magiging 600 presinto sa isang clustered precinct, aabot sa 41,000 PCOS machines ang kailangang idagdag sa dati nang 80,000 makina.
“Since we are adopting yung recommendation ng CAC, we will be using OMR PCOS existing then we will buy additional o lease additional OMR PCOS pa rin but make sure that the additional will be compatible with the consolidated canvassing system para magsasama,” ani Chairman Brillantes.
“Kung sinong mananalong bidder doon sa new i-refurbish niya ang old para halos pareho kung kailangan upgrading,” dagdag nito.
Target ng komisyon na masimulan ang bidding sa kalagitnaan ng Setyembre.
Ayon kay Brillantes, hindi pa siguradong ang mga PCOS ng Smartmatic uli ang kukunin ngunit maari pa rin itong lumahok sa bidding.
Bukod sa mga bagong makina, susubukan na rin ng COMELEC ang paggamit ng Direct Recording Equipment o DRE machines sa darating na halalan.
Ang DRE machines ay ang mga voting machines na pipindutin na lamang ng botante sa screen ang napili nitong kandidato.
Una muna itong susubukan sa mga piling presinto sa Metro Manila, Metro Cebu at Metro Davao.
“This is in anticipation next elections 2019 0 2022, pwede na tayo improve technology using the touch screen,” saad ni Chairman Brillantes.
Subalit kumpara sa PCOS na isang makina sa isang clustered precicnct, kailangan ng 5 hanggang 10 DRE machines sa isang presinto.
Mas bibilis din umano dito ang proseso ng pagboto dahil pipindutin na lang sa screen ng machine ang ibinobotong kandidato gaya ng ginagawa sa ibang bansa.
Bukod sa DRE technology, susubukan na rin ng COMELEC sa 2016 ang internet voting para sa mga kababayan natin na nasa ibang bansa.
“Kailangan naming yun eh, mayroon lang konting legal issue doon dahil sa pwede ba by resolution lang o come out with a law na may amendment pa ang congress. We are studying possibility na hindi naman lahat baka pwede resolution,” pahayag ni Chairman Brillantes.
Gagamitin ito sa mga bansa na malayo sa konsulada ang mga botonte gaya sa Saudi Arabia at sa mga Filipino seamen.
Kasama na rin sa plano ng komisyon ang pilot testing sa biometric voters identification upang masulosyunan na ang mahabang pila sa mga presinto bunsod ng pagtukoy muna sa isang lehitimong botante bago pabotohin.
Sa naturang aparato agad matutukoy kung kasama sa data ng komisyon ang isang botante batay sa biometriccs record nito.
Ngunit ang problema, hindi pa makapagsasagawa ng full implemention ang komisyon sa 2016 dahil sa mahigit 3 bilyong pisong kailangan budget sa pagbili ng sapat na dami ng equipment, 1 billion pesos lamang ang naibigay na pondo sa kanila. (Victor Cosare, UNTV News)