Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Publiko, binalaan sa paggamit ng face swap app dahil sa banta sa personal data

$
0
0

MANILA, Philippines — Kinagigiliwan ngayon sa social media ang paggamit ng face swap application kung saan maaaring palitan ang mukha ng isang taong nasa video na nagsasayaw, kumakanta o umaarte.

Pero babala ng National Privacy Commission (NPC), dapat mag-ingat ang publiko sa paggamit sa ganitong uri ng mobile application dahil sa posibleng banta nito sa personal na impormasyon ng isang tao.

Ayon kay Jonathan Ragsag, Data Security and Technology Standards ng NPC,  ang mga ganitong uri ng application ay maaaring maging banta sa privacy ng isang tao dahil kumukuha ito ng personal na impormasyon ng gumagamit ng app.

Ilan sa mga mga halimbawa nito ay ang paghingi ng access ng application para magamit ang contact, camera, microphone, storage at iba pang features ng cellphone na naglalaman ng personal na datos ng gumagamit nito.

Nakababahala rin aniya ang paghingi ng permiso ng isang application para makuha ang personal information ng isang user ngunit hindi malinaw kung saang database napupunta ang mga litrato at video na ina-upload dito.

“Ito yung mga danger, pupwedeng maibenta yung ating mga data sa ibang mga organisasyon o sa ibang mga kumpanya, mga third party. So ano pwedeng mangyari kapag naibenta yan? Pwedeng makarating sa bangko yang data mo, pupwedeng magkaroon ka ng loan na hindi no inaasahan,” ani Ragsag.

Bukod pa rito may mga nauna na rin ulat ang ilang Information Technology (IT) professionals na sa pamamagitan ng ganitong klase ng mga application ay maaari umanong magamit ang mukha ng isang user sa ibang mga video na may malalaswang content.

Kapag napatunayan naman na ang isang application ay nagiging abusado at mapagsamantala sa paggamit ng impormasyon ng isang indibidwal maaari itong paimbestigahan ng NPC para ipa-take down.

Pero aminado ang ahensiya na wala itong direktang control sa server ng mga face swap application na kadalasang nasa ibang bansa.

Kaya naman mahirap nang habulin pa ang data ng isang indibidwal kapag nagamit na ito sa maanomalyang transaksyon.

Nauna nang naghain ng panukalang batas si Muntinlupa City Congressman Ruffy Biazon na naglalayong ma-regulate ang paggamit ng facial recognition apps at masawata ang paglaganap ng deep fake technology na pinangangambahang magamit sa identity theft.

Pero dahil hindi pa ganap na batas, wala pang matibay na regulasyon sa Pilipinas ang mga ganitong klase ng digital application.

Kaya ang payo ng NPC sa publiko, huwag basta-basta gagamit ng face swap app na maaaring maglagay sa privacy ng isang tao sa peligro.

“Halimbawa yung mga photos natin, binago natin nakipag-face swap tayo eh, ipinalit natin yung mulha natin sa katawan ng ibang tao… Ang importante huwag nating basta isave yung mga larawan natin or photos duon sa app, if possible,” ani Ragsag. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent JP Nuñez)

The post Publiko, binalaan sa paggamit ng face swap app dahil sa banta sa personal data appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481