MANILA, Philippines – Kukumpletuhin na lamang ng United Nations Filipino peacekeepers ang kanilang tour of duty sa Oktubre at hindi na magpapadala pa ang pamahalaan sa United Nations peacekeeping operations.
Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio Coloma Jr., ang desisyon na ito ay wala namang kaugnayan sa nangyari sa mga Filipino peacekeepers sa Golan Heights.
“Kung maaalala natin bago pa sumiklab ang insidente noong nakaraang linggo ay naihayag na ang pasya na tatapusin na lamang yung current tour of duty at ito ang desisyon hindi naman ito naapektuhan nung mga kaganapan nung nakaraang linggo,” paliwanag nito.
Ayon sa kalihim, ibig ring malaman ni Pangulong Aquino ang buong pangyayari sa Golan Heights kung saan nakatakas ang mga Pinoy peacekeepers habang napapaligiran ng Syrian rebels at sa utos ng kanilang Indian commander na isuko ang kanilang mga armas.
“Siyempre pinaninindigan natin ang katapangan at kahusayan ng ating mga tropa dyan, pero importante din na tingnan ang kabuuang sitwasyon lalong lalo na at tinatapos na yung ating commitment, we want to complete our tour of duty and wind down our UN commitment in the proper way.”
Dagdag ng kalihim, patuloy pa rin ang pakikipagugnayan ng Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Foreign Affairs (DFA) at United Nations (UN) kaugnay ng nangyari sa Golan Heights.
“The Department of Foreign Affairs is coordinating with the DND and the AFP and in close consultation with tensions on this matter, after the deployment of Filipino peacekeepers is the UN matter, that is the matter of international diplomacy for which the DFA is responsible,” ani Coloma.
Sa kasalukuyan, ilang batch ng Filipino troops ang nakatalaga sa ilang bansa tulad ng Syria at Liberia bilang UN peacekeepers.
Nagsimulang magpadala ang Pilipinas ng contingent sa Golan Heights noong 2009. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)