MANILA, Philippines – Muling nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi maaaring gawing sapilitan ang pagbabakuna kontra COVID-19.
Ginawa ng DOH ang pahayag kasunod ng hakbang ng Davao City government na gawing mandatory ang pagbabakuna sa mga empleyado ng city hall.
Sa executive order na nilagdaan ni Davao City Mayor Sara Duterte, sakop nito ang mga volunteer, contact of service workers, plantilla at job order. Ang mga susuway sa kautusan ay maaaring maharap sa parusa.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, labag sa batas na gawing sapilitan ang pagbabakuna alinsunod sa nakasaad sa Republic Act (RA) 11525 o ang pagtatatag ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.
“Hindi po natin inirerekomenda na maging mandato o obligado ang isang empleyado na bakunado siya para siya ay magkaroon ng trabaho makapasok sa kaniyang trabaho,” ani Vergeire.
Nakasaad din sa naturang batas na hindi maaaring gawing requirement sa hiring o employment purpose ng isang indibidwal ang vaccine status nito o kung meron itong hawak na vaccine card.
“Nakalagay din po sa batas na RA 11525 na ang vaccine cards shall not be considered as additional requirements for employment purposes. So maliwanag po ito sa ating batas that vaccination is not mandatory,” ani Vergeire.
Gayunman, hinihikayat naman ng kagawaran ang mga nasa priority sector na magpabakuna na para na rin sa kanilang proteksyon laban sa COVID-19.
“But of course, we highly encourage people to get vaccinated pero hindi po dapat natin gamitin ito para maging purpose o makapasok ang isang tao sa trabaho,” dagdag pa ng opisyal.
Babala ng DOH, maaaring maharap sa parusa ang sinumang lalabag sa batas pati na ang mga mamemeke ng vaccine cards. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Aiko Miguel)
The post COVID-19 vaccination at vaccine cards para makapasok sa trabaho, hindi mandatory – DOH appeared first on UNTV News.