MANILA, Philippines – Sa isang pag-aaral na inilathala ng peer-reviewed general medical journal na The Lancet, lumalabas na bumababa ang bisa ng mRNA vaccines gaya ng Pfizer pagkatapos ng anim na buwan.
Sa naturang pag-aaral, nakasaad na talagang nakakapagbigay ng proteksyon laban sa severe COVID-19 infection at pagka-ospital ang Pfizer vaccine ngunit may waning immunity rin ito gaya ng Coronavac na gawa ng Chinese company na Sinovac.
Mula sa 90% ay bumababa sa 75% hanggang 78% ang bisa ng Pfizer pagkalipas ng anim na buwan.
Ayon kay infectious disease expert at vaccine expert panel member Dr. Rontgene Solante, patunay lamang ito na kailangan talaga ng dagdag na dosing ang mga nabakunahan na lagpas anim na buwan, anomang brand ang COVID-19 vaccine ang kanilang natanggap.
“Meron palang degree of reduction of protection with time. Kapag tumatagal na ang bakuna mo then less na iyong proteksyon… Even without these variants, there’s really a waning immunity through time. Meaning, bumaba ang antibody natin from these vaccines kapag tumatagal na tayo na nabakunahan,” he said.
Dahil sa pag-aaral na ito, sinabi ni Solante na malaki ang posibilidad na gawing taunan ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa hinaharap.
“Like other infections, let’s say flu or influenza, we always had that vaccination every year to maintain our protection against influenza. So, ito ang nakikita natin ngayon na mukhang may kahawig na siya dito na we can have a yearly vaccination because of the waning immunity of this vaccine,” ani Solante.
“There’s something in this virus that takes a higher antibodies for you to be protected so you have to have a sustained antibody for you to be protected,” dagdag pa niya.
Sa ngayon aniya na wala pang booster dosing ay kailangang bilisan pa ang pagbabakuna sa mas maraming Pilipino upang maputol ang hawaan ng coronavirus disease.
“If we vaccinate everyone, we will also prevent the variants, kasi ang variants ay driven by the unvaccinated. So, we prevent the variants,” ani Solante.
“Kasama naman talaga iyan na every time may data na tayo na bumaba ang immunity natin then there will be additional doses,” dagdag pa niya.
Muli niya ring pinapayuhan ang mga bakunado na manatiling maingat at sumunod sa health protocols upang makaiwas sa posibilidad ng breakthrough infection.
The post Pagbababakuna vs COVID-19 posibleng maging taunan gaya ng flu vaccine – eksperto appeared first on UNTV News.