MANILA, Philippines – Isusumite na ngayong linggo ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa National Economic Development Authority (NEDA) ang proposal para sa paglalagay ng parallel runway sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Layunin nito na mabigyang solusyon ang matagal ng problema sa air traffic ng paliparan.
Ayon sa CAAP, taon-taon ay pitong bilyong piso ang nawawala sa mga airline company dahil sa air traffic sa NAIA.
Mahigit tatlong bilyon ang naaaksaya sa gasolina at mahigit tatlong bilyon sa engine maintenance dahil sa mga delayed flights.
Ayon kay Capt. John Andrews, Deputy Director General ng CAAP, masosolusyunan ang air traffic congestion kapag naaprubahan na ng NEDA ang P2 billion parallel runway project na tinatayang matatapos sa loob ng dalawang taon.
“We are confident that this project will be completed before the term of the president ends.”
Ayon pa kay Capt. Andrews, di hamak na mas mura ang gastos sa pagtatayo ng bagong runway kumpara sa naaaksaya ng mga pasahero at airline companies.
Sinabi pa ni Andrews na tataas rin ang capacity ng NAIA ng 60 aircraft movement kada oras kumpara sa 40 sa kasalukuyan.
“Flight delays may still happen in times of bad weather but overall we expect an increase of passenger loads by at least a significant number, and normally delays will be the thing of the past.”
Ang 2.1 kilometer parallel runway ay itatayo sa loob rin ng NAIA complex.
Una rito, ilang hakbang na rin ang isinagawa upang mapaluwag ang NAIA kabilang dito ang paglilipat sa Terminal 3 ng limang malalaking international flights na dating nasa Terminal 1. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)