MANILA, Philippines – Ipinasususpinde ng ilang Local Government Units ang ipinatutupad na Interim Transport Terminal System ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Transportation kahapon, Martes, inirereklamo ng mga opisyal ng LGU ng Albay, Samar, at Leyte ang pagpapatupad ng Memorandum Circular-2014-15 o ang Interim Transport Terminal System (ITTS).
Ang ITTS na sinang-ayunan at inaprubahan din ng Metro Manila mayors ay ang pagtatalaga ng mga pansamantalang terminal sa Metro Manila para sa mga provincial bus.
Nakasaad dito na hindi pinahihintulutang pumasok ang mga provincial bus sa EDSA upang huwag makadagdag sa pagsikip ng trapiko maliban sa mga bus na may terminal sa EDSA.
Ayon kay Albay Governor Joey Salceda, hindi pinag-aralang mabuti ng DOTC at LTFRB ang naturang patakaran bago ipatupad.
Aniya, pasakit lamang ito sa mga pasahero na lumuluwas sa Metro Manila.
“Kung gusto niyo po magkaroon ng affidavit ng mga taong nasaktan ninyo, kahit gaano pa po kaganda ang mga patakaran ninyo kung may nasasaktan na sektor, hindi ninyo basta-basta mababalewala.”
Sinabi pa ni Salceda na pagbalewala ito sa mga kababayan niyang hindi kayang bumili ng ticket sa eroplano kaya nagbu-bus na lamang.
Ayon naman sa bus operator na si Amelia Bragais-Ilagan, marami sa kanilang pasahero ang nagrereklamo at nahihirapan sa pagbiyahe.
“Sa part ng mga passengers namin, nahihirapan sila, dagdag pamasahe, yun bang bibiyahe ng gabi, gigising at hihinto sa Alabang ng madaling araw so parang risky na nakakatakot na bumaba ka sa bus ng ganoong oras.”
Samantala, sinabi naman ni LTFRB Chairman Winston Ginez na muli nilang pag-aralan at pag-usapan ang nasabing sistema kasama ang DOTC, MMDA at Metro Manila Council Mayors.
“We would like to request for some time to go back to this endeavor and consult the necessary consultation with them but we will be the one to decide because we were the one who issued the memorandum circular,” saad ni Ginez.
Binigyan naman ng sampung araw na palugit ng House Committee on Transportation ang LTFRB upang isumite ang kanilang proposed solution sa nasabing usapin. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)