Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

300K anti-viral pills na molnupiravir, darating sa bansa sa Nobyembre

$
0
0

MANILA, Philippines – Magiging available na sa bansa ang oral antiviral pill na molnupiravir pagpasok ng buwan ng Nobyembre.

Ito ay matapos pagkalooban ng compassionate special permit (CSP) ng Food and Drug Administration (FDA) ang local importer at pharma company na Medethix Inc. para sa importasyon at distribusyon ng nasabing gamot para sa COVID-19 patients

Ayon kay Medethix Inc. co-founder at President Monaliza Salian, noong Setyembre pa sila nabigyan ng CSP.

Molnaflu aniya ang brand name ng gamot. Nasa 300,000 bote na naglalaman ng 40 tableta ang darating sa bansa sa susunod na buwan.

Ang Indian manufacturer na Aurobindo Pharma ang magsusuplay ng parating na molnupiravir sa Pilipinas.

May lisensiya ito mula sa MSD, ang pharmaceutical company na developer ng molnupiravir.

Ayon sa JackPharma, na siyang mangangasiwa sa sales ng Molnaflu, hindi aabot sa 700 US dollars o P35,000 ang presyo ng bawat pill gaya sa Amerika.

Mas mura din umano ang presyong ibibigay sa mga ospital ay local pharma companies na may CSP.

“At least for an estimate anywhere between on the market itself hopefully somewhere in the vicinity of about to P100-P130 per pill,” ani Meneleo “Meny” Hernandez, ang president ng JackPharma.

Ang recommended dose ng molnupiravir ay apat na capsule dalawang beses kada araw sa loob ng limang araw.

Kinumpirma ni Philippine Food and Drug Administration director general Eric Domingo na limang pharmaceutical companies na ang may aprubadong CSP para sa importasyon at distribusyon ng molnupiravir.

Nasa 31 ospital din aniya ang may CSP para magamit ang molnupiravir sa COVID-19 patients.

“So far, itong mga na-approve natin na CSP, iimport sila tableta, capsule na siya at registered na ito sa country kung saan siya manggagaling,” ani Domingo.

“Kapag kumuha ka kasi ng compassionate special permit nakalagay doon iyong hospital at kung sino ang licensed importer that will import the drug. Nung tinitignan ko iyong hospitals natin na may CSP, iyong mga nakikita kong importer na andito is about five,” dagdag pa niya.

Sa datos ng mga ekspertong nagsagawa ng clinical trials sa iba’t ibang bansa kabilang ang dalawang ospital sa Pilipinas, lumalabas na mabisa ang molnupiravir upang maiwasan ang pagka-ospital at pagkasawi dulot ng COVID-19 infection

Kumpara sa ibang COVID-19 investigational drugs, ang molnupiravir ay dinisenyo para sa early treatment ng COVID-19 patients. – RRD (mula sa ulat ni correspondent Aiko Miguel)

The post 300K anti-viral pills na molnupiravir, darating sa bansa sa Nobyembre appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481