MANILA, Philippines – Muling idiniin si Vice President Jejomar Binay sa umano’y pangungumisyon sa mga kontrata ng bawat proyekto sa Makati City noong siya pa ang alkalde ng lungsod.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee ngayong Huwebes, sinabi ni dating Vice Mayor Ernesto Mercado na idini-deliver ang pera sa bahay ni VP Binay.
Hinahati sa tatlo ang 13% kickback kina Mayor Junjun Binay na konsehal pa lamang noon para sa kanilang pamilya, sa isang nagngangalang “Ebeng” na umano’y assistant ni Binay para sa personal use, at sa finance officer nitong si Gerry Limlingan para naman sa campaign funds.
Ayon kay Mercado, personal niya itong ibinibigay sa tatlo.
Trillanes: “Yung bag po sa pamilya, saan hinahatid?”
Mercado: “Minsan po magka-floor kami eh, 18th floor ng city hall. Kung minsan po naihahatid ko sa office ng daddy nya. Nagsasama po ako ng secu o secretary. May private door po kasi kami… slide ng opisina… iilang tao lang pwede dumaan dun.”
Trillanes: “Maghatid sa bahay ni VP Binay?”
Mercado: “Maraming beses na po, personal. Ako na po naghahatid sa kanilang bahay. Hindi isa, hindi dalawa, maraming beses na po. Yan ang aking naging papel.”
Ayon pa kay Mercado, depende sa kanilang nakolekta ang halaga ng pinaghahatiian ng mga ito.
Trillanes: “Tatanungin ko kayo bakit 13%?”
Mercado: “Hindi naman po yan talaga eh ang kalakaran sa Makati. Ang pinanindigan ko po ang percentage lang na dumarating sa boss ko…. ako po ang taga-kuha ng sa boss ko.”
Trillanes: “Yung boss mo ay si?”
Mercado: “Si Mayor Jojo Binay po, ang VP natin.”
Samantala, kinuwestyon naman ni Senador Alan Peter Cayetano ang kontraktor ng parking building na Hilmarc’s Construction Corporation dahil sa hindi nito pagbusisi sa final plan ng gusali.
Cayetano: “As the winner of the first phase and eventually lahat, there was no original plan of the whole building presented to you?
Canlas: “Wala po, your honor.”
Cayetano: “As a builder in the private sector, don’t you find that surprising?”
Canlas: “Sa gobyerno po kasi, by phase ang trabaho.”
Ayon kay Senate Blue Ribbon Subcommittee Chairman Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, nakapagtatakang hindi nakita ng Hilmarc’s ang structural design at final plan ng gusali, gayong ito ang namamahala sa konstruksyon ng 11-storey building mula sa foundation hanggang sa finishing nito.
Pimentel: “Yung mga drawings of the structural work definitely nanggaling yun sa drawings ng entire structure, tama po ba?”
Canlas: “Siguro po. Hindi po ako sigurado. Yung binigay lang na scope namin, yun lang ang ginawa namin.”
Humarap din sa naturang pagdinig ang isa sa natalong bidder upang kumpirmahin ang umano’y katiwalian sa bidding process para sa naturang gusali.
Sinabi ni Marcial Lichauco Jr., presidente ng kumpanyang 911 Alarm na totoo ang pahayag ni Engr. Mario Hechanova na nakulong sila sa elevator ng nasabing gusali noong huling araw ng pagpapasa ng mga dokumento para sa bidding.
Kwento ni Lichauco, “Elevator B got stuck in the 7th floor. 1:55pm di pa rin nakalabas ang mga passenger. 9th floor 2pm. trapped for 1 hr and 2 mins. Breathing became difficult.
Dagdag ni Lichauco, nagplano silang maghain ng motion for reconsideration at kinuwestyon ang nanalong bidder na Alexandrite Blue, na hindi naman aniya kilala.
“As we were late, we filed MR in submitting bid.”
Samantala, dumistansya naman ang dating Makati City administrator na si Marjorie De Veyra tungkol sa insidente at sinabing wala siyang alam tungkol dito.
Ipinatatawag na ng komite si VP Binay para dumalo sa susunod na hearing sa September 25.
Ayon kay Senador Antonio Trillanes IV, panahon na upang sagutin ng bise presidente ang mga alegasyon laban sa kanya. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)