MANILA, Philippines – Lalo pang pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya kontra kriminalidad kasunod ng pagkakaaresto sa ilang miyembro na sangkot sa kidnapping incident sa EDSA-Mandaluyong at pagpatay sa car racer na si Enzo Pastor.
Ayon kay NCRPO Chief P/Dir. Carmelo Valmoria, kabilang sa kanilang isinagawang aksyon ang pagpapaigting sa Operation Lambat, checkpoints at pagtutok sa mga grupong nasasangkot sa mga ilegal na gawain.
“Meron din tayong pag-a-identify ng criminal o gang na talagang hinahanap natin talagang dedicated teams na ginagawa tayo para hanapin sila,” saad ng opisyal.
Sinimulan na ring dagdagan ng tauhan ang National Capital Region Police Office mula sa national headquarters.
Pinalabas na ang mga pulis na nagoopisina upang italaga sa mga istasyon ng pulis.
At upang madagdagan pa ang pwersa ng pulisya na magpapatrolya at magsasagawa ng checkpoints, itatalaga na rin sa mga police station ang mga nagbabantay sa gate ng Camp Crame sa Quezon City.
“We will streamline the processes of the PNP, yung mga nasa opisina tinitingnan natin kung bakit yung mga papel ay nagtatagal and we will treat it just like a production line na kung di kailangan yung isang tao ay aalisin natin at ibababa lahat yan sa NCRPO,” pahayag ni PNP Chief P/DGen. Alan Purisima.
Maging ang DILG ay ipinag-utos sa mga Local Government Units na magpasa ng ordinansa para sa paglalagay ng mga CCTV camera sa labas ng mga establisyimento sa kanilang nasasakupan.
“Directing the cities and capital towns to require installation of CCTV for certain business establishment in accordance with section 16 the general welfare clause of RA 7160 to support the maintenance of peace and order and public safety,” saad naman ni DILG Secretary Mar Roxas.
Kaalinsabay nito, ipinagmalaki naman ng pamunuan ng PNP ang pagbaba ng krimen noong nakaraang linggo.
Ang dating 32 kaso ng murder at homicide kada linggo ay bumaba na sa 20; ang robbery at theft na nasa 671 ay nasa 615 na lamang; ang carnapping na nasa 24 ay nasa 11 kaso na lamang noong nakaraang linggo. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)