MANILA, Philippines – Malugod na tinanggap ng Philippine National Police ang pahayag ni dating PNP Chief at kasalukuyang Rehabilitation Czar Panfilo “Ping” Lacson na kailangan ang pagrepaso sa recruitment at leadership ng pambansang pulisya.
Ito ay kasunod ng sunud-sunod na pagkakasangkot ng mga pulis sa iba’t ibang krimen.
Sinabi pa ni Lacson na hindi na dumadaan sa akademya ang mga PO1 at PO2 na madalas na nasasangkot sa mga krimen.
Bunsod nito, sisimulan na ngayong buwan ng Philippine Public Safety College o PPSC ang pagpapatupad ng bagong curriculum ng training ng mga cadet recruits.
Sa katunayan, 77 kadete ang isasalang na sa training ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa susunod na linggo.
“It’s about time we make a review and accept the weaknesses and determine to make the necessary reforms,” saad ni PPSC Director Ricardo De Leon.
“The PPSC as the primary office supervising the PNPA, we are right now reviewing program of instructions and practices. In fact, based on the instruction of the DILG, the facilities we are trying to fix to live up the school of leadership.”
Ayon pa kay De Leon, isang malaking pagbabago dito ay ang pag-convert ng barracks mentality ng mga trainee sa mga dormitory.
Mula sa 50 na mga kadete sa bawat barracks, gagawin na lamang ito na anim na kadete na magkakaklase sa bawat kwarto.
“We reduce hazing. Naa-address na natin yun, gender sensitive. Major change.”
Bukod dito, pagtutuunan rin ng pansin ng PPSC ang pagtuturo ng values sa mga kadete sa pamamagitan ng mga retreat at iba pang spiritual growth activities.
Paliwanag ni De Leon, layon nitong maturuan ang mga kadete ng disiplina at maiwasan ang pagpasok nito sa mga krimen gaya ng robbery, drugs at kidnapping, oras na lumabas na ito ng akademya.
“Ang internal cleansing na ginawa ng PNP ay dapat paigtingin pa. There should be morality within… character building.”
“We are not training cadets, but leaders,” saad pa ng opisyal.
Iginiit din ni De Leon na dapat maging mabuting ehemplo ang matataas na opisyal ng PNP.
Aniya, “Chain of command, responsibility and accountability. They should be responsible sa tao nila.”
Ang pagbabagong ipinatutupad sa hanay ng pulisya ay upang malinis at maturuan ang mga ito na gampanan ang trabaho bilang alagad ng batas na dapat mangalaga sa seguridad ng mga mamamayan. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)