MANILA, Philippines – Kauna-unahan sa kasaysayan ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagkakatanggal sa pwesto ng isa sa mga commissioner nito na si Cecilia Rachel “Coco” Quisumbing kamakailan sa pamamagitan ng Office of the Ombudsman.
Tahasang paglabag sa code of conduct at ethical standards ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan ang dahilan ng kaniyang dismissal.
Partikular ang ginawa nitong pangmamaltrato sa kaniyang mga staff at pag-abuso sa kaniyang kapangyarihan.
Nilabag din ni Quisumbing ang Section 7 ng Republic Act 3019 o mas kilala bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Dahil dito, nahaharap sa sari-saring penalty si Quisumbing tulad ng pagsasawalang kabuluhan sa kaniyang eligibility o kwalipikasyon, pagkansela ng kaniyang retirement benefits at hindi na siya maaari pang magtrabaho sa anumang opisina ng gobyerno kailanman.
Ayon sa leader ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), kahit mismong tauhan ng CHR ang nakagawa ng paglabag, katunayan ito ng pag-aksyon ng pamahalaan sa sinumang lumalabag sa karapatang pantao.
“Nakapagbigay ng lakas ng loob sa staff para makapagbigay ng panig na hindi pinabayaan na yung kanilang karapatan ay mayurakan kahit na sila mismo ay nasa loob ng Commission on Human Rights na pangunahing tagapagbantay at tagapagtanggol ng mga mamamayang Pilipino,” saad ni PAHRA Chairperson Teodoro De Mesa.
Pahayag naman ng tagapanguna ng komisyon sa mga karapatang pantao, bagama’t naharap sa maselang isyu ang collegial body, hindi ito dahilan upang mapagkaitan ng due process o pantay-pantay na karapatan sa hustisya ang sinoman.
“It takes time to process because you have to go through a process, I would rather be on the side of being ultra democratic but at least giving every body due process than air on the side of making short cuts and not giving everybody rare opportunity to take advantage of whatever remedies are provided yo,” saad ni CHR Chairperson Etta Rosales.
Sa nalalabing taon sa termino ni Rosales, tiniyak nitong nananatiling standard ang pagpapatupad administrative measures maging sa mga regional office ng komisyon. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)