MANILA, Philippines — Nakalaan sa mas maayos na implementasyon ng K-12 educational program sa buong bansa ang 2015 budget ng Department of Education (DepED).
Halos dumoble ang budget ng DepEd mula sa P174 billion noong 2010, umakyat ito sa P309.4 billion sa 2015.
Ang DepED ang nakakuha ng pinakamalaking bahagi ng 2015 national budget ng pamahalaan.
Sa pagdinig ng senado sa 2015 budget ng DepED kanina, sinabi ni Education Secretary Bro. Armin Luistro na P92.3 billion ang ilalaan sa pagha-hire ng mga guro at pagsara sa logistical gaps upang matugunan ang pangangailangan ng may 1.8 million kindergarten at 1.2 million senior high school students.
Ayon sa kalihim, magbubukas ang pamahalaan ng 39,066 teacher positions sa susunod na taon, na ang kabuuang sahod ng mga ito ay magkakahalaga ng P9.35 billion.
Bukod dito, bahagi rin ng pondo ay gagamitin sa pagpapatayo ng may sampung libong bagong classrooms.
“Ilang classrooms ang dapat i-construct o repair? We should be replacing every year, 15-20k classrooms substandard. In 20 years time, standard na,” ani Luistro.
Maglalaan naman ng 200-milyong piso ang DepED sa pagbili ng school lots upang pagtatayuan ng mga bagong classroom.
Bibili rin ang kagawaran ng karagdagang 70 million textbooks at learning materials mula sa ilalaang pondo na P3.46 billion.
Kukuha rin ang DepEd ng halos walong libong science and math laboratory equipment packages na magkakahalaga ng apat na bilyong piso upang mapabuti ang larangan ng agham at teknolohiya sa bansa.
Dagdag pa ni Luistro, ilalaan ang P8.4 billion para sa direct assistance sa mga estudyante, kabilang rito ang isang milyong scholars ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education o GASTPE program.
Sa ilalim ng naturang programa, ang mga enrollee sa congested public schools ay papayagang maka-attend ng klase sa mga pribadong paaralan.
Ilalaan naman ang 2.05 billion para sa training at retooling program ng mga guro.
Kaugnay nito, isa sa mga ipinagmamalaking programa ng DepED ay ang feeding program para sa mga undernourished na mga estudyante.
Sa taong 2015, target ng DepED na mapakain isang beses kada school day ang may 630-libong undernourished na estudyante, gamit ang inilaang pondo na P1.37 billion. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)