QUEZON CITY, Philippines — Umaapela ang kampo ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo na sana’y pahitulutan itong sa bahay na lamang mamalagi.
Ayon kay dating Congressman Danilo Suarez, posibleng makabuti sa kondisyon ni CGMA kung maililipat ito sa bahay habang dinidinig ang plunder case laban sa kanya sa Sandiganbayan.
“Yaman din lang na yung kanyang mga kasamahan doon sa issue ng PCSO, they allowed to post bail ang sa akin siguro yung immediate kung maari dun na lang siya ma-confine sa bahay,” pahayag ng dating mambabatas.
Nagdudulot umano ng stress ang pananatili nito sa VMMC o Veterans Memorial Medical Center bukod pa ang paglilimita sa kanyang lugar na ginagalawan at maging ang oras ng pagbisita.
Nahihirapan din umanong lumunok ng pagkain si Arroyo dahil sa esophageal stenosis.
Nito lamang nakaraang buwan, humarang sa lalamunan nito ang piraso ng broccoli.
Salaysay ni Ex-Rep. Danilo Suarez, “Ready na yung mga anestisya machine eh, that’s what I’ve told. Pero naging successful yung pinasok yung camera, nakita yung object tapos may nilagay na procedure para ma-retrieve.” (REY PELAYO / UNTV News)