MANILA, Philippines – Lumabas sa imbestigasyon ng Commission on Audit (COA) na may iregularidad ang konstruksyon ng kontrobersyal na Makati City Hall II parking building.
Sa kanyang pagharap sa senado, sinabi ni Atty. Alexander Juliano ng COA na walang construction plan ang gusali nang i-award sa Hilmarc’s Construction Corporation isang buwan matapos ipasa ang ordinance para dito.
Nakitaan din ng COA ng anim na red flags o deficiency ang konstruksyon ng gusali.
Ayon kay Juliano, sa ilalim ng implementing rules and regulations ng Republic Act 9184 o ang Procurement Act, required ang detalyadong engineering activities sa isang proyekto, katulad ng survey, design plans, quantity and cost estimate at schedule ng konstruksyon.
November 12, 2007 nagsimula ang procurement process sa kontrata ng gusali, apat na araw matapos maipasa ang supplemental budget para sa proyekto.
Nobyembre 28 nang ilabas ang kontrata sa pagitan ng Mana Architecture and Interior Design at Makati City o walong araw bago pormal na inadvertise sa isang pahayagan ang proyekto.
“It appears that the negotiated procurement adopted by the BAC on the contract of architectural and engineering service was improper because none of the conditions laid down under RA 9184 was present such as two failed buildings, emergency cases, takeover of contracts, adjacent or contiguous projects, agency-to-agency, highly technical consultants and defense cooperation agreement.”
Dagdag nito, malaki rin ang pagkakaiba ng P105.34 million sa budget na inaprubahan para sa kontrata na nagkakahalaga ng P387.84 million, kumpara sa P282.49 million na nakasaad sa mga dokumentong pinirmahan ni dating Makati City Mayor Jejomar Binay.
“Moreover, while there were three bidders who participated in the Phase 1 of the project, it was so unusual, especially when the mode of procurement was public bidding, that with respect to Phases 2 to 4, there was no other bidder who tendered his bids except the lone and winning bidder who also got the award for Phase 1.”
Sinabi pa ni Juliano na ang bids na ibinigay sa Hilmarc’s ay may maliit na variance lamang sa inaprubahang budget sa limang phases ng konstruksyon.
Wala ring inaprubahang budget para sa appropriation noong simulan ng city government ang procurement process sa phase 3 ng gusali.
Batay aniya sa COA inspection reports, “ready for use” na ang gusali noon pang July 7, 2011, subalit nagdisburse pa rin ng city government ang halos P800 million para sa phase 4 at phase 5.
Giit pa ni Juliano, gumastos rin ang lungsod ng Makati sa “unnecessary expenditures” para sa mobilization at demobilization ng phase 2 at phase 4 na aabot sa P14.49 million gayong iisang contractor lang naman ang gumawa sa limang phases ng proyekto.
Noong Setyembre ay nagsagawa ng special audit ang COA sa Makati City Hall II parking building alinsunod sa request ng Office of the Ombudsman matapos sampahan ng plunder complaints rito ang mag-amang Binay.
Subalit bago ito, ipinahayag ni COA Commissioner Grace Pulido Tan sa kanyang pagharap sa imbestigasyon ng senado noong Agosto na walang inissue na kahit na anong clearance ang COA sa nasabing gusali. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)