MANILA, Philippines – Bumaba ang approval ratings nina Pangulong Benigno Aquino III at Vice President Jejomar Binay at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan batay sa pinakabagong survey ng Pulse Asia “Ulat ng Bayan”.
Halos hindi nagbago ang approval rating ni Pangulong Benigno Aquino III na mula 56% noong Hunyo, bumaba lamang ito ng isang porsyento (55%) ngayong September 2014.
Malaki naman ang ibinaba ng approval rating ni Vice President Jejomar Binay, mula 81% noong Hunyo ay bumaba ito ngayon sa 66%.
Bumaba rin sa 39% ang approval rating ni Senate President Franklin Drilon mula 52% noong nakaraang quarter ng taon.
Tatlong porsiyento naman ang ibinaba ng approval rating ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. ngayong Setyembre na nakakuha ng 30%, mula sa dating 33%.
Bumaba rin ng dalawang porsyento ang approval rating ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na nakakuha ng 33%, mula sa dating 35%.
Tumaas naman ang trust rating ni Pangulong Aquino sa 54% ngayong Setyembre mula sa dating 53%.
Bumaba ang trust rating ni VP Binay, mula 79% noong Hunyo ay nasa 64% na lamang ito ngayon. Sa kabila nito, nananatili namang most trusted official ang bise presidente batay pa rin sa naturang survey.
Kaugnay nito ay bumaba rin ng ilang porsiyento ang trust ratings nina Senate President Drilon, House Speaker Belmonte at Chief Justice Sereno.
“We are gratified that has noted by Pulse Asia and I quote most Filipinos remains appreciative of the presidents performance, and he continues to enjoy majority performance approval and trust ratings as he has done past 17quarterly surveys,” pahayag naman ni PCOO Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr.
Aminado naman si Senator Nancy Binay na may epekto sa resulta ng survey ang mga alegasyon sa kaniyang ama.
Aniya, “May epekto yun sa survey kasi ang napag-uusapan ay ang allegations at hindi ang ginagawa niyang trabaho para sa ating mga kababayan.”
Dagdag pa nito, “kailangan nyang maging mas aggressive at mas sipagan ang pagtatrabaho.”
Batay rin sa naturang survey, pinakamataas pa rin sa approval rating ang Korte Suprema.
Nakapagtala naman ang Senado na may pinakamalaking pagtaas sa rating na umabot ng 40%.
Kaugnay nito, most trusted institution pa rin ang Supreme Court na nakakuha ng 44%, kasunod ang Senado at House of Representatives.
Ang naturang Pulse Asia survey ay isinagawa sa 1,200 respondents sa kalagitnaan ng mga isyu sa bansa tulad ng ginawang imbestigasyon ng Senado sa overpriced Makati City Hall building 2.
Ang hindi pagtanggap ng mababang kapulungan ng kongreso sa tatlong impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino.
Ang usapin ng kahilingan ni Pangulong Aquino sa kongreso na additional authority upang solusyunan ang nakaambang power crisis sa susunod na taon.
Gayundin ang isyu sa panawagang pagbibitiw sa pwesto ni PNP Chief Director General Alan Purisima dahil sa samu’t saring isyu. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)