Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Luy, personal na narinig ang pagrereklamo ni Estrada sa telepono dahil sa kulang na komisyon kay Napoles

$
0
0

(Left-Right) Senator Jinggoy Estrada and PDAF Scam Whistleblower Benhur Luy (UNTV News)

MANILA, Philippines – Sa pagpapatuloy ng bail hearing ni Senator Jinggoy Estrada sa 5th Division ng Sandiganbayan nitong Martes, bumalik sa witness stand si whistleblower Benhur Luy at deretsahang isinalaysay ang narinig niyang telephone conversation sa pagitan nina Senator Jinggoy Estrada at Janet Lim-Napoles na may kaugnayan sa PDAF.

Sa testimonya ni Benhur Luy sa korte, madalas aniyang naka-speaker mode ang telepono ni Napoles kaya’t naririnig niya ang mga transakyson nito.

“Ate” at “Kuya” umano ang ginagamit ni Napoles at Estrada sa kanilang pag-uusap.

Ayon kay Luy, narinig niyang humihingi ng advance commission ang senador kay Napoles at nagpadala na raw ito ng letter of request sa opisina ng JLN Corp. para dito.

Dagdag pa ni Luy, sa pangalawang pagkakataon noong 2011 ay narinig niya ang pagrereklamo ng senador sa kulang ng sampung libong piso ang kumisyon na natanggap niya mula kay Napoles.

Mariin naman itong itinanggi ng senador.

Saad nito, “Assuming lang for the sake of argument, kung totoo ang sinasabi niyang P183 million ang kinuha ko as commission, magrereklamo ba ako sa kulang na sampung libo?”

Sa loob ng korte, madalas na kumukunsulta ang senador sa kanyang mga abogado habang nagsasagawa ng testimonya si Luy.

Ayon sa whistleblower, kilala niya ang boses ng senador dahil ilang beses na itong dumalo at nagsalita sa mga party ni Janet Lim Napoles.

Sinabi rin ni Benhur Luy na pumupunta pa siya sa Senado upang magpapirma ng mga endorsement letter sa senador.

Bumisita pa umano ito sa plenary session ng Senado upang ipaalam sa pamamagitan ng pager ang mga kailangang pirmahang dokumento.

Ayon pa kay Luy, nakailang beses na rin niyang sinadya ang senador sa kanyang opisina sa Senado upang personal na dalhin ang mga dokumento.

Ang mga alegasyon na ito ni Luy ay pawang itinanggi ni Senador Estrada.

Ayon sa kaniya, dinidiktahan ng prosekusyon ang testimonya ng whistleblower.

“Lahat ng sinasabi nito, itong witness na ito, wala sa affidavit, wala sa testimony… Pati sa Senate Blue Ribbon hearing wala siyang sinasabi. Sinabi niya hindi niya ako kilala ngayon sinabi niyang nakapunta na raw siya sa office ko,” giit ni Estrada.

Bahagya namang nagdulot ng tensyon ang pagharap ni Benhur Luy sa korte dahil sa mga bagong impormasyon na ipinahayag nito laban kay Sen. Jinggoy Estrada.

Nanindigan naman ang senador na bagama’t personal nilang kilala si Janet Lim Napoles ay maraming ebidensya pa ang kakailanganin ng prosekusyon para patunayan na sangkot nga siya sa P10-billion pork barrel scam. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481