MANILA, Philippines — September 12 nang humiling si Pangulong Benigno Aquino III sa dalawang kapulungan ng kongreso ng joint resolution na nagbibigay sa kanya ng dagdag kapangyarihan upang solusyunan ang nakaambang krisis sa supply ng kuryente sa 2015.
Ito ay sa kabila na ilang buwan na lamang at papasok na ang summer.
Naniniwala ang Malacañang na hindi pa huli upang mabigyan ng dagdag na otoridad si Pangulong Aquino.
“Kung titingnan naman natin hindi naman talaga way off na mark in terms of the deadline at sa aking pagkaunawa naman, nandyan yung sense of urgency na isagawa,” saad ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr.
Tiniyak rin ng Malacañang na patuloy silang makikipag-ugnayan sa kongreso ukol sa isyung ito.
“Patuloy naman ang koordinasyon sa pagitan ng ehekutibo at ng lehislatura para matiyak na itong joint resolution ay mailalabas sa takdang panahon,” ani Coloma.
Una nang sinabi ni Department of Energy Secretary Jericho Petilla na hindi lamang ang naturang additional authority ang kanilang option upang tugunan ang power crisis sa susunod na taon.
Isa sa una nang inihayag ng kalihim ay ang tinatawag na ‘aggregate demand’ na ilalatag na ang mga posibleng magiging kakulangan sa supply ng kuryente sa mga susunod pang mga taon upang maaga na itong masolusyunan. (Nel Maribojoc, UNTV News)