MANILA, Philippines — Huhulihin na ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) simula sa Nobyembre ang mga bagong sasakyan na bibiyahe ng walang rehistro.
Ito ay bunsod ng ipatutupad na ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang “No Registration, No Travel” policy matapos mapag-alaman na maraming mga sasakyan ang nasa mga lansangan na hanggang sa ngayon ay hindi pa nairerehistro.
“It turned out na marami pa rin sa ating mga sasakyan na nasa lansangan ang walang plaka dahil ni hindi pa nasisimulan ang registration process,” saad ni LTO Spokesperson Jason Salvador.
Ayon sa LTO, wala na silang backlog sa mga plaka at hinihintay na lamang nila na kunin ito ng mga dealer.
Sa regional office ng LTO ay kahon-kahon ang mga plaka na hindi pa nakukuha ng nga dealers at may ari ng sasakyan. Marami ring mga bagong plaka, subalit ang nakakapagtaka, mayroon pa ring mga lumang plaka na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakukuha sa plate section ng LTO.
Isa sa mga may-ari ng motorsiklo ang nagsadya sa tanggapan ng LTO upang personal na kunin ang kanyang plaka dahil sa tagal umano ng dealer na kunin ito.
“Kasi po pag pumupunta ako sa dealer, parang hindi po nila inaasikaso parang iniipon pa nila yung mga customer bago nila in process yung pag-release sa plate naming,” ani motoristang si Jan Wilson.
Ayon naman sa mga dealer, sila naman ang natatagalan sa opisina ng LTO dahil kulang ang mga taong nag-aasikaso dahil sa dami ng mga plakang kailangang i-release.
Ayon sa LTO, simula sa susunod na buwan, pipilitin nila na matapos na irehistro ang isang bagong sasakyan at mai-release ang plaka nito sa loob ng pitong araw.
“Once we implement the ang “No Registration, No Travel” policy, once you registered your vehicles, you’ll get your plates as well,” pahayag ni Salvador.
Magbabayad naman ng multa na aabot ng sampung libong piso ang mga motoristang mahuhuli na ginagamit ang kanyang sasakyan kahit walang rehistro. (Mon Jocson, UNTV News)