LEGAZPI CITY, Philippines – Dumating kahapon ng umaga, Lunes, sa Legazpi City, Albay ang panibagong ground deformation team ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) mula sa Metro Manila na makatutulong sa pagpapaigting ng pagbabantay sa aktibidad ng Bulkang Mayon.
Ito ay dahil sa panibagong aktibidad sa bulkan matapos ng ilang linggo nitong pananahimik.
Ayon kay Dr. Winchelle Sevilla, ang supervising science research specialist ng PHIVOLCS, isang quite eruption o non-explosive phase of eruption lang ang nangyaring pagdaloy ng malapot na lava na namataan alas-5 ng umaga nung Linggo.
Sa isinagawang aerial survey, nakita ang pagagos ng malapot na lava sa may eastern side ng Bogña gully na posibleng tira noon pang 2009 eruption.
Posible rin umanong ang umagos na lava ay nasa mababaw na bahagi lamang ng bulkan na itinutulak palabas, isang patunay na may nangyayaring aktibidad sa loob ng bulkan.
Ayon PHIVOLCS, ang ganitong aktibidad ng bulkan kahapon ay hindi dahilan upang itaas ang alerto mula sa kasalukuyang alert level 3.
Gayunpaman, may posibilidad pa rin umano na magkaroon ng hazardous eruption ang Mayon.
Sinabi pa ni Dr. Sevilla na sakaling magkaroon ng explosive eruption ang Mayon, kabilang sa mga malubhang maaapektuhan ang Barangay Maisi sa Daraga, Albay at maaaring makarating ang lava hanggang sa 7 kilometers danger zone.
Samantala, hindi naman dapat magalala ang mga nagsilikas na residente sa mga evacuation center.
Sa isang panayam, tiniyak ni Presidential Spokesperson Sec. Edwin Lacierda na kahit matagalan pa ng ilang linggo sa ganitong sitwasyon ang Bulkang Mayon ay hindi sila pababayaan ng pamahalaan.
“Ang commitment natin is to provide the assistance for them for 90 days kasi nga ang affected residence have been evacuated and place in evacuation center they really do need help,” saad nito. (Allan Manansala / Ruth Navales, UNTV News)