MANILA, Philippines – Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) para sa inaasahang pagdagsa ng mga bibiyahe sa long holiday sa susunod na linggo.
Ayon kay Luigi Bautista, ang president at general manager ng NLEX Corporation, nasa 470,000 sasakyan kada araw ang posibleng dumaan sa NLEX kasabay ng mahabang bakasyon.
“The average daily traffic numbers today as we speak is about 410,000. So, as mentioned earlier, we are expecting that this will increase by about 10 to 15 percent,” ani Bautista.
Mas marami pa aniya ito kaysa sa bilang ng mga sasakyan bago magkaroon ng pandemiya.
Ani Bautista, marahil ito ay bunsod ng pagnanais ng marami na samantalahin ang bakasyon at maluwag na restrictions para makauwi sa probinsiya matapos ang mahabang quarantine restriction period bunsod ng COVID-19 pandemic.
“Baka umpisa pa lang end of this week, maglalabasan na yung mga motorista. So, that’s why in the presentation earlier, April 8 pa lang, handing-handa na yung ating mga expressways para sa ating mga motorista,” ang wika ng opisyal.
Kabilang sa mga ginagawang paghahanda ng NLEX management ay ang paglalagay ng dagdag na toll collection booth, security personnel at patrol officer sa strategic areas lalo na kapag peak hours.
Plano rin ng pamunuan ng expressway na buksan ang lahat ng lane simula Abril 8 hanggang Abril 18.
May alok rin silang libreng towing assistance papunta sa pinakamalapit na exit ng expressway para sa class 1 vehicles mula ala-sais ng umaga ng Abril 13 hanggang ala-sais ng umaga ng Abril 18.
Hinihimok rin ng NLEX ang mga motorista na mag-download ng app ng Metro Pacific Tollways drive hub upang mas madaling makapag check at makapag-load sa kanilang radio frequency identification (RFID).
Maliban sa NLEX, naghahanda na rin para sa paparating na long holiday ang iba pang expressways sa Luzon gaya ng Subic–Clark–Tarlac Expressway, C5 Link Expressway, Manila-Cavite Expressway, at ang Cavite-Laguna Expressway.
The post NLEX, naghahanda na sa posibleng pagdagsa ng mga biyahero sa long holiday appeared first on UNTV News.