MANILA, Philippines — Inirerekomenda ng Philippine National Police (PNP) sa Commission on Elections (COMELEC) na isailalim sa red category ng election watchlist ang nasa 114 lugar sa bansa kaugnay ng 2022 elections.
Ayon kay PNP chief Police General Dionardo Carlos, 100 sa mga ito ay pawing bayan o munisipalidad habang 14 naman ang mga lungsod.
“So meron tayong color code, meron tayong green, wala tayong magiging problema sa green areas. ‘Yun pong yellow and orange binabantayan po natin but we focus on the red colored areas. Ito yung aming huling datos is 100 municipalities and 14 cities,” ani Carlos.
Ang red category ang pinakamataas na alerto pagdating sa seguridad kaugnay ng halalan. Ang isang lugar ay isinasailalim sa kategoryang ito kapag may mga napaulat na insidente ng karahasan, matinding labanan sa pulitika, at presensiya ng mga armadong grupo na maaaring manggulo sa eleksyon.
“In the last command conference sabi namin we are shifting into higher gear. So calibrated yung aming mga actions to be undertaken para masiguro namin yung peaceful election. So we are doing this as an attached deputized agency of the Commission on Elections,” ani Carlos.
Hindi tinukoy ng pamunuan ng PNP kung alin ang mga lugar na ito pero ipinag-utos na umano ni Carlos ang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa mga lugar na nasa ilalim ng red category.
“March pa lang pina-activate ko na yung RSOTGs to be headed by a DRDO or a very senior officer coming from the regional offices and these RSOTGs are deployed in these red areas to support the preparations being made by the different provinces or city, municipality police units,” ang pahayag ng hepe ng PNP.
Una nang sinabi ng COMELEC na nasa 300 areas of concern ang kanila ngayong bhinabantayan dahil sa mga napaulat na poll-related incidents kaugnay ng nalalapit na halalan. — (mula sa ulat ni Correspondent Lea Ylagan)
The post Nasa 114 lugar sa bansa, inirekomendang ilagay sa red category ng election watchlist — PNP appeared first on UNTV News.