MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Cabinet Cluster on Port Congestion sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na palawigin ang pag-isyu ng provisional authority sa mga ‘for hire’ na truck hanggang sa January 15 ng susunod na taon mula sa October 17 ngayong taon.
Ito ay dahil mangangailangan ng mas maraming truck upang ma-decongest ang mga pantalan ngayong holiday season. Umaabot sa 12,000 truck ang lumabas at pumasok sa port area.
Sa datos ng LTFRB, nasa mahigit anim na libo pa lamang ang may prangkisa.
Ibig sabihin mayroong anim na libo o kalahati ng kabuuang bilang ang hindi magagamit kung hindi palalawigin ang pag-iisyu ng provisional authority.
Ayon sa mga truck operator, malaking tulong ito upang mabilis na mailabas ang mga produkto sa loob ng pantalan.
Pinangangambahan namang makadadagdag ito sa bulto ng mga sasakyan ngayong holiday na magdudulot ng pagbigat sa trapiko. Suhestyon ng truckers, magdagdag ng mas maraming traffic enforcer.
“Ang kulang natin is mga road managers. These are traffic enforcers that should be called road managers because they are supposed to manage traffic flow,” pahayag ni Confederation of Truckers in the Philippines President Bert Suansing.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), tumaas ang outflow sa port area ng 40% Kung dati ay nasa mahigit tatlong libo lang ang nakakalabas na truck, ngayon ay umaabot na ito ng 6,500 hanggang 7,000 na truck araw-araw.
Kapag holiday season, tumataas rin ng sampung porsyento ang dami ng cargo na dumadating sa pantalan.
Malaki ang naitulong ng pag-aalis ng truck ban at pagpapalawig sa pag isyu ng provisional authority upang lumuwag ang port area at maging sa ekonomiya
“Gumaganda talaga yung situation natin. Medyo nag-work yung effort natin to decongest our ports,” saad ni PPA Public Relations Chief Siony Flores.
Inaasahan na sa Enero sa susunod na taon ay babalik na sa normal ang operasyon sa pantalan. (Mon Jocson, UNTV News)