Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Pinoy na nagsauli ng napulot na wallet sa Brasil, hinangaan

$
0
0

(Left-Right) Ang Pilipinong si Jot-jot Yutuc kasama ang Brazillero na si Fabio Oliveira na siyang may-ari ng nawawalang wallet. (UNTV News)

Brasília, BRASIL – Isang Pilipino ang hinahangaan ngayon sa Brasil dahil sa ipinamalas nitong kabutihang asal.

Kamakailan lamang ay ipinalabas sa isang noontime TV program sa kilalang television station sa Brasil ang ginawang pagsauli ng wallet na napulot ng binatang si Jot-Jot Yutuc.

Ayon sa anchor ng programa, hindi pangkaraniwan sa panahon ngayon na isauli pa ang napulot na mahalagang bagay, lalo pa’t wala namang contact numbers at walang address ng may-ari.

Dahil dito, umani ito ng paghanga sa mga nakapanood sa programa.

“Napakatapat niya… Nang araw na iyon, napakahirap para sa akin dahil hindi ko na alam ang gagawin ko sa nawawalang pera,” pahayag ni Jose Souza.

Ayon kay Fabio Oliveira na siyang may-ari ng wallet, labis ang kanyang pasasalamat kay Jot-Jot na ngayon ay itinuturing niyang kaibigan.

Kwento nito, kung hindi sa kagandahang-loob na ipinakita ni Jot-Jot ay hindi lamang ang isang buwang sahod niya ang nawala, kundi maging ang panghanda sa paparating na kaarawan ng kaniyang anak.

“Sa tingin ko, itinadhana talaga siya ng Dios na makasalamuha ko at siya ang makakita at magsauli ng nawawala kong wallet…masayang-masaya talaga ako at proud ako na makilala at makita siya…para sa akin, isa siyang mabuting halimbawa at sana makagawa rin ako ng mabuti sa kaniya balang araw…”

“At ang anak ko pag tanda niya, ikukwento ko sa kaniya ito at alam kong hindi niya rin ito makakalimutan. Congratulations. Welcome na welcome sa Brazil ang mga taong katulad niya maging ang iba pa, kailangan ng Brazil ang mga ganitong klase ng tao,” saad pa nito.

Para naman kay Jot-Jot, hindi sya nagdalawang isip na hanapin ang may-ari ng wallet.

Aniya, “Nagpapasalamat ako sa Dios na nabigyan ako ng pagkakataong makagawa ng mabuti.”

Ang iniingatang lumang love letter sa wallet ni Fabio mula sa noo’y kasintahan at asawa ngayon na si Juliana ang naging susi upang matunton sila ni Jot-Jot sa pamamagitan ng internet.

“I’m so proud of him. Those were the unsung heroes of our country of our people na ehemplo ng magandang gawain,” masayang pahayag ni Philippine Ambassador to Brasil Ambassador Eva Betita.

“It only shows and reflects the good person he is and the good family that he belongs to,” saad pa nito.

Umaasa rin si Ambassador Betita na magiging magandang halimbawa at inspirasyon sa ating mga kababayan ang ipinakita ni Jot-jot.

“Mabuhay ka Jot-Jot, may there be more people like you.”

Ang ginawa ni Jot-Jot ay isa lamang patunay gaya ng laging sinasabi ni Kuya Daniel Razon na “ang paggawa ng mabuti, kailan man ay hindi magbubunga ng masama”. (Dave Tirao / Ruth Navales, UNTV News)

Philippine Ambassador to Brasil Ambassador Eva Betita (UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481