Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Arrest warrant kay PFC Joseph Scott Pemberton, hihintayin ng DFA bago hilingin sa Amerika ang kustodiya nito

$
0
0

CONTRIBUTED PHOTO: Jeffrey Laude AKA “Jennifer”, ang napaslang na transgender sa Olongapo 

MANILA, Philippines – Matapos maisampa ang reklamong murder laban kay PFC Joseph Scott Pemberton sa tanggapan ni Olongapo City Prosecutor Emilie Fe Delos Santos kahapon, inihahanda na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang diplomatic note na ipadadala sa US Embassy upang hilingin ang kustodiya ng US Marine na suspek sa pagpatay sa 26-anyos na Pinoy transgender na si Jeffrey Laude alyas “Jennifer”.

Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Charles Jose, hihintayin na lamang nilang maglabas ng warrant of arrest ang korte laban kay Pemberton bago hilingin ang kustodiya nito sa Amerika.

“We are still in the PI. We will formally request custody once an arrest warrant is issued by the court,” pahayag ni Jose.

“Nature of the crime. It’s important for us to have custody of the suspect to ensure that justice will be served,” dagdag pa nito.

Sinabi naman ni Presidential Commission on the Visiting Forces Agreement, Executive Director Retired General Eduardo Oban, Jr., kailangang bilisan ang pagdinig sa kaso ni Pemberton.

Ayon kay Oban, oras na maisampa ang kaso sa korte at mailabas na ang warrant of arrest para sa Amerikanong sundalo ay kailangang makumpleto ng Philippine government ang judicial proceedings sa loob ng isang taon.

Nakasaad sa Article 5, Paragraph 6 ng Visiting Forces Agreement na mare-relieve ang Estados Unidos sa imbestigasyon kung hindi matatapos ang proceedings sa loob ng isang taon.

“Once the charge, the complaint is filed, then we start counting, until the final verdict ng trial,” ani Oban.

Samantala, ipinahayag rin ni Oban na maaari nang tumuloy sa kanilang mga misyon ang lima sa anim na US Navy vessels na kasama sa US-Philippine Amphibious Landing Exercises, o PHIBLEX.

Tanging ang USS Peleliu lamang ang hindi papayagang umalis at kailangang maiwan dahil kabilang ito sa mga iimbestigahan sa kaso.

Sa USS Peleliu kasalukuyang nakadetine si Pemberton kasama ang tatlo pang US Marines na maaaring tumayong testigo sa krimen. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481