MANILA, Philippines – Hinimok ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary Jose Eliseo Rocamora ang mga Pilipino na magsumikap sa kanilang mga trabaho upang makaahon sa kahirapan bunsod ng patuloy na pagtaas ng populasyon sa bansa.
Ginawa ni Rocamora ang pahayag sa pagdiriwang ng National Week for Overcoming Extreme Poverty na may temang “Walang Maiiwan. Magkaisa sa Isip, Pasya at Kilos Laban sa Malubhang Kahirapan.”
Ayon sa kalihim, hindi dapat maging kampante ang mga Pilipino sa tulong na natatanggap mula sa pamahalaan at sa mga international agency.
Sinabi pa nito na dapat na ibuhos ang lahat ng makakaya at magsipag sa trabaho upang malampasan ang nararanasang kahirapan.
“Sila mismo ang makaahon sa kahirapan… pero sa okasyong ito. kitang kita natin na marami ang tumutulong,” pahayag nito.
“Ang ginagawa namin sa urban ay tumutulong sa problem of security of tenure, relocation of ISFs sa danger zones. Provinces, fisher folks and coco farmers,” saad pa ni Ricamora.
Tiwala naman ang United Nations system sa bansa na sa sipag ng mga Pilipino, hindi malayong maiibsan ang kahirapan.
Isa ang UN sa mga tumutulong sa Pilipinas na makaahon sa kahirapan ang mga mamamayan nito.
“It is not enough to make people out of poverty. We must ensure that they are out of poverty permanently… through sustainable development and focus how to make community to crisis.” pahayag ni UN Resident Coordinator (ad interim) and UNICEF Country Representative, Lotta Sylwander.
Kaugnay nito, ibinahagi naman ng ilang indibidwal at organisasyon na dumalo sa programa ang hirap na kanilang dinanas at ang ginawang pagpupursigi upang makaahon sa hirap ng buhay.
“Maayos na ang aking pamumuhay. Ang yagit noon na salot sa lipunan ay tao na ngayon na may pakinabang sa lipunan. Ang ating mga karanasan ay siyang huhubog ng ating pagkatao, hagdanan ng tagumpay sa buhay,” paglalahad ni Edgardo Mahidlaon ng St. Luke Reach Out Foundation, Inc.
Nagsagawa rin ng wreath-laying ceremony ang mga panauhin sa commemorative stone marker sa Luneta Park, Maynila, bilang parangal sa mga naging biktima ng kahirapan. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)