MANILA, Philippines – Sasailalim sa tatlong araw na specialized training program ang ilang doktor, nurse, medical technologists, at infection control specialist bilang paghahanda sa posibleng pagpasok sa bansa ng Ebola virus.
Ito ang napagpasyahan matapos ang National Ebola Summit noong Biyernes na naglalayong mapawalak ang kaalaman ng mga health worker sa bansa ukol sa mga paghahanda upang mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.
Sisimulan ang specialized training ng Department of Health (DOH) sa darating na Oktubre 28.
Pangungunahan ang naturang specialized training ng mga medical expert mula sa World Health Organization (WHO), Red Cross at Johns Hopkins University.
Kabilang sa mga sasailalim sa series of training ang DOH-referral hospitals, private hospitals, at local government hospitals.
Sa pamamagitan ng training, ituturo sa mga doktor ang mas malalim na kaalaman tungkol sa Ebola virus.
Ayon kay Dr. Julie Hall, nakapaloob rin dito ang ilang practical exercises, personal protection, at pre and post training examinations base sa international standards ng WHO.
“Lots of trainings will be about that awareness, things suspicious, making referrals, and then if you see one go to the specialist units they can be properly assess and look after from there.”
Nais ng DOH na makapagbigay ng training sa mas marami pang manggagamot upang matiyak na may sapat na bilang ng mga doktor na aasiste sa mga makikitaan ng sintomas ng nakamamatay na sakit.
“Currently we have around hundreds of them that has been listed, cause we need to issue department order to come to Manila. I just from a meeting with the secretary and he wants to add more, because we wanted to make sure that we have enough staff that is oriented and trained,” pahayag ni DOH Spokesman Dr. Lyndon Lee Suy.
Positibo naman ang DOH at WHO na malaki ang maitutulong ng specialized training program upang maihanda ang bansa sa bantang pagpasok ng Ebola Virus. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)