QUEZON CITY, Philippines – Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang isang motorcycle accident sa bahagi ng Congressional Avenue, Brgy. Bahay Toro, Quezon City, dakong ala-1 ng madaling araw, Miyerkules.
Agad na nilapatan ng paunang lunas ng grupo ang biktima na kinilalang si Jun Molinar, 27 anyos dahil sa mga tinamo nitong gasgas sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Iniinda rin nito ang pananakit ng kanang balikat at kaliwang paa na posibleng nabali dahil sa impact ng aksidente.
Kwento ni Molinar, nawalan siya ng kontrol sa manibela nang mabangga niya ang tumatawid na aso sa intersection ng Congresional Avenue at Cagayan Street.
“Biglang dumaan yung aso tumawid dito pagtawid iniwasan niya pagiwas niya biglang bumagsak pagka-bagsak nun buti walang dumaan na sasakyan,” salaysay ni Christopher Reyes na nakasaksi sa pangyayari.
Bagama’t nakaangkas sa motorsiklo ang asawa ni Molinar, hindi naman ito nagtamo ng sugat dahil agad nakatalon bago matumba.
Matapos malapatan ng paunang lunas ay agad dinala ng grupo sa Quezon City General Hospital ang biktima kasama ang kanilang mga kaanak upang mabigyan ng atensyong medikal. (Jerico Albano / Ruth Navales, UNTV News)