MANILA, Philippines – Nagdagdag na ng mga makina ang Bureau of Immigration (BI) upang ma accommodate ang mas maraming dayuhan na sasailalim sa Alien Registration Program (ARP).
Ayon kay Commissioner Seigfred Mison, tugon ito ng kawanihan sa naobserbahang kakulangan ng makina sa mga unang araw ng implementasyon ng programa.
“Hindi naman po sa mababa, lumalabas na marami nga po nung first 3 days dahil sa dami niya humaba ang pila so marami rin tayong foreign nationals siguro na inconvenient doon sa paghaba ng pila kaya medyo bumaba po the next few days so ngayon ang ginagawa namin para bumilis yung proseso dinamihan namin yung mga machines,” paliwanag nito.
Oktubre 1, nagsimula ang bagong Alien Registration Program at tatagal hanggang Setyembre ng susunod na taon.
Layon ng programa na ma-update ang dokumento, biometrics at digital photo ng mga dayuhang nasa Pilipinas na lampas na ng 59 na araw.
Maaring magtungo ang mga foreign national sa alinman sa 43 sangay na nagpo-proseso ng visa sa buong bansa.
Inaasahang nasa 1.5 million foreigners ang maidodokumento ng BI sa ilalim ng Alien Registration Program.
Ayon sa kawanihan makakaiwas sa anumang problema ang mga dayuhang nasa bansa kung sasailalim sa registration program.
Ani Mison, “Kung hindi po sila makapagregister tapos mayroon pong problema yung kanilang papeles dito sa immigration, madedeport po sila at maba-blacklist sila hindi sila makakabalik dito sa ating bansa. Whereas if they voluntarily register under the Alien Registration Program marami pong benepisyo yan, isa doon hindi po kayo iaarrest hindi po kayo ide-detain. Bibigyan po kayo ng solusyon para maayos ang problema ninyo sa Immigration.”
Patuloy din ang koordinasyon sa iba’t ibang foreign embassies na nasa Pilipinas para sa nasabing programa. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)