MANILA, Philippines – Walang nakikitang problema si Justice Secretary Leila De Lima sa hiwalay na imbestigasyon ng Estados Unidos sa pagkamatay ng transgender na si Jeffrey Laude alyas “Jennifer”.
Ayon kay De Lima, bagama’t Pilipinas ang may primary jurisdiction sa kaso ay pwede namang imbestigahan ito ng US Naval Criminal Investigation Service (NCIS) dahil nasasangkot dito ang isa sa kanilang mga sundalo.
“Tayo yung may primary jurisdiction but it does not mean na hindi na pwedeng mag-imbestiga ang US, lalo na yung US military authorities.Because they have disciplinary jurisdiction over Mr. Pemberton because he is part of the US armed forces. So yung US military laws would apply,” anang kalihim.
Sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, nakasaad dito na dapat magtulungan ang mga otoridad ng dalawang bansa sa imbestigasyon at pangangalap ng ebidensiya sa mga katulad na insidente.
Hindi na nagsalita tungkol sa kaso ang Olongapo City-PNP dahil hawak na ito ng piskalya at on-going na ang preliminary investigation.
Ngunit ayon sa impormasyong ibinigay ng Olongapo City PNP, maayos ang naging koordinasyon ng pulisya sa mga tauhan ng Naval Criminal Investigative Service na nag imbestiga sa kaso.
Ilang imbestigador din ng NCIS ang nagtungo sa Celzone Lodge upang mangalap ng ebidensiya sa crime scene.
Sa ngayon ay wala pang kopya ang mga otoridad ng investigation report ng NCIS. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)