MANILA, Philippines – Ipinatawag ni DILG Secretary Mar Roxas ang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) para sa Oplan Ligtas Undas.
Kabilang sa mga ipinatawag ang Directorial Staff na kinabibilangan nina Deputy Chief for Admin Deputy Dir. General Felipe Rojas, Deputy Chief for Operation Deputy Dir. General Leonardo Espina at Director for Operations Police Director Ricardo Marquez.
Dumalo rin sa ipinatawag na pulong ng kalihim si NCRPO Chief Police Director Carmelo Valmoria at PNP PIO Chief Sr. Supt Wilben Mayor, samantalang hindi nakadalo si PNP Chief Alan Purisima na nasa Pampanga.
Inalam ni Roxas ang plano ng mga PNP official sa isasagawang deployment ng mga pulis bago at matapos ang Undas.
“Ang inyong PNP ay nakatutok at tutugon sa hamon ng Undas,” pahayag ni Roxas.
Bukod sa mga sementeryo, pinatututukan din ng kalihim ang iba pang lugar tulad ng bus terminal, seaports at airports, mga simbahan, major tourist destinations, malls at vital installations.
Sinabi pa ng kalihim na 41,600 ang ipapakalat na pwersa ng PNP sa buong bansa ngayong Undas, kung saan 4,278 ay magmumula sa National Capital Region (NCR).
Sa nasabing bilang, 2,595 ang itatalaga sa mga sementeryo, 279 sa mga bus terminal, 8 sa seaports, 193 sa mga malls, 61 sa airports, 200 na tauhan sa mga tourist destinations, 606 sa vital installation, 217 sa places of worship at 158 para sa road security.
“Patuloy na pakikipa- koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng LTFRB, LTO, MMDA, LGU, MARINA, PPA, Coast Guard, CAAP, DOH and other government agency,” saad pa ni Sec. Roxas.
Idinagdag pa ng kalihim na may mga force multiplier din sila mula sa mga radio group, barangay at mga LGUs.
Itataas naman ang full alert status sa buong hanay ng PNP sa Huwebes, Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3 ng hapon, madadagdagan ng 50% ang duty ng mga pulis sa ground upang magbantay. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)