MANILA, Philippines – Hindi solusyon sa mabibigat na krimen ang pagpapataw ng parusang kamatayan at lalong hindi ito magdadala ng tunay na hustisya.
Ito ang binigyang-diin sa isang kumperensiya na naglalayong hikayatin ang mga bansa sa buong mundo na buwagin na ang death penalty.
Ayon sa mga nagsusulong ng abolisyon ng death penalty, isang isyung panlipunan ang kriminalidad na hindi maaaring masolusyunan sa pamamagitan ng pagpatay sa mga kriminal.
“The theme “No Justice Without Life” shows us the judicial-sanctioned killing of a person gives a false sense of justice to the family of the person who have been victimized. But is a judicially sanctioned killing really justice? or is it a state sponsored murder of an individual? Justice to me is having a person accused of capital offence found guilty of the crime he committed and punished short of state-sanctioned murder,” pahayag ni dating House Deputy Speaker Atty. Lorenzo “Erin” Tanada III.
Napatunayan na rin umano na hindi deterrent o hindi nakapipigil sa paggawa ng krimen ang pagpapatupad ng parusang kamatayan.
“Tulad halimbawa nun sa piitan na kung makikita ninyo mayroong labinlima, labinanim na bitay, but still they commit crimes yung nasa loob. So nakikita namin, in my experience, hindi nakaka-deter ang death penalty,” pahayag naman ni Atty. Manuel Co, Administrator ng Parole and Probation Administration.
Ayon sa mga ito, mas nararapat na masolusyonan ang kahirapan at ilegal na droga dahil ito ang may direktang kinalaman sa paglala ng krimen.
May pag-asa pa rin umano sa mga nakakagawa ng mabibigat na krimen.
“Para sa akin dapat move forward tayo and try to look for ways to minimise crime. Ang sabi ko nga ang dapat tingnan dito ang issue ng poverty, issue ng drugs, kung maayos natin ito for sure walang gagawa ng krimen dito sa ating bansa,” saad pa ni Tanada.
Sa datos ng Parole and Probation Administration, mula nang buwagin ang death penalty sa bansa noong 2006 ay may mga nahatulan ng parusang kamatayan napalaya na matapos magbagong buhay.
“Yung mga cases na halimbawa ay from the death penalty ay na-reduce sila into a numbered penalties thru executive clemency na nabigyan ng parole because naging indeterminate yung sentence nila and they were able to serve yung kanilang minimum penalty at marami na ring mga nagbagong-buhay,” ani Co.
Ipinagbabawal sa ilalim ng ating saligang-batas ang pagpapataw ng parusang kamatayan.
Ngunit binibigyan ng puwang ang kongreso na muling buhayin at ipatupad ito sa mga kaso ng heinous crime.
Sa datos ng Amnesty International, 22 mga bansa sa mundo ang nagpataw ng parusang bitay nitong nakalipas na taon.
Pinakamari dito ang isinagawa sa China, Iran, Iraq, Saudi Arabia at Estados Unidos. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)