MANILA, Philippines – Hindi mapakali at palagi ang bulong ni Janet Lim-Napoles sa pagdinig sa kanyang petition for bail sa kasong plunder kaugnay ng PDAF scam, Martes.
Ito’y dahil isinalang na ng prosecution panel sa witness stand ang dati niyang pinagkakatiwalaang empleyado sa JLN Corporation at ngayo’y testigo laban sa kanyang kaso na si Marina Sula.
Sa direct examination ng prosecution panel, inisa-isa nito ang mga umano’y tungkulin at responsiblidad niya bilang empleyado ng JLN Corporation.
Ayon kay Sula, siya ang inuutusan upang magproseso ng lisensya ng mga NGO, korporasyon at trading company ng tinatawag niyang “Madam Napoles”.
Pati ang pagpaparehistro ng mga ito sa Securities and Exchange Commission (SEC) ay siya rin umano ang nag-aasikaso.
Bukod pa rito, inilahad din ni Sula sa korte ang ginawa niyang pagbubukas ng mga bank account sa Metrobank at Landbank.
Isa umanong requirement sa pagpaparehistro ng NGO sa SEC ang pagsusumite ng bank certificate.
Siya rin ang ginawang presidente ng isa sa mga NGO ni Napoles na Masaganang Ani for Magsasaka Foundation kung saan pineke niya ang pirma ng mga kapwa niya incorporator sa registration sheet.
Inamin din ni Sula na napagkasunduan nilang mga whistleblower na huwag nang idamay sa pagsasampa ng kaso ang iba nilang kasamahan dahil wala namang kinalaman bilang incorporator sa mga bogus na NGO.
Dito, muling naungkat ng mga abugado ni Napoles ang usapin ng pagiging partial o biased umano ng imbestigasyon ng Office of the Ombudsman.
“Dun pa lang sa Ombudsman, tinitira ko na yung reliability ng investigation report nila, hindi impartial, partial siya, kung baga mayroon na sila kung ano ang gagawin, mayroon na silang tinarget,” saad ng abugado ni Napoles na si Atty. Stephen David.
Samantala, ipagpapatuloy ang direct examination sa testigong si Sula sa Biyernes, November 7 sa susunod na petition for bail hearing ni Napoles sa 3rd Division ng Sandiganbayan. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)