MANILA, Philippines – Sinabi ng tagapagsalita ni Vice President Jejomar Binay na hindi si Senador Antonio Trillanes IV ang karapat-dapat na makaharap ng bise presidente sa isang public forum.
Ayon kay United Nationalist Alliance Interim Secretary Atty. JV Bautista, walang masyadong karanasan si Trillanes sa paggawa ng mga argumento, hindi katulad nina Senador Miriam Defensor Santiago at Senador Juan Ponce Enrile.
“He’s not. You know who is the best person the VP should face off with? A candidate for the presidency,” saad ni Bautista.
“To debate with an intellectual pygmy like Sen. Trillanes is an exercise in futility. Wala kang makikita dyan. No gain, no new knowledge,” dagdag pa ng abugado.
Gayunpaman, sinabi ni Bautista na hindi natatakot at walang atrasan sa panig ng bise presidente sa debate nila ni Trillanes na gaganapin ngayong Nobyembre.
Itinuturing din nitong “welcome development” ang pag-usad ng preparasyon ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP sa nasabing debate.
“Never, never. Kahit i-threaten sya 100x ni Trillanes. Who is afraid of him? Nobody’s afraid of him. Kahit sa Oakwood, sumurrender. Ano ba ang napakita ng taong ito,” anang tagapagsalita ng bise presidente.
“Sa tagal-tagal nyang naging senador, wala syang naitulong kahit kakarampot doon sa ating mga sundalo,” saad pa nito.
Dagdag ng tagapagsalita ni Binay, hindi ordinaryong debate ang mangyayari dahil ang pagdidiskusyunan ay national interest at may kinalaman ang publiko o sambayanang Pilipino.
Kasalukuyang nasasangkot si Binay sa mga kontrobersiya kaugnay ng umano’y overpriced Makati City Hall II parking building at ang 350-hectare na lupain sa Rosario, Batangas na pag-aari umano ng pamilya Binay.
Habang si Trillanes ay isa sa mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Sub-committee na nag-iimbestiga sa mga nasabing isyu.
Inakusahan naman ni Bautista ang senador ng puro pagbabanta sa mga testigong pabor sa bise presidente.
Aniya, “Si Trillanes walang ginawa kundi mambanta. Gusto ko ngang sabihin sa kanya, Sen. Trillanes, how many people have you threatened today? Have you reached your quota?”
Sakali naman aniyang magdesisyon si Binay na dumalo sa pagdinig ng Senado sa November 6 upang sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya, maikukonsidera na itong moot and academic at hindi na kailangan pang ituloy ang debate. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)