MALOLOS CITY, Philippines – Apat ang nasawi, habang dalawa ang sugatan kabilang angisang pulis matapos makaengkwentro ng Malolos PNP ang kalalakihan na nagtangkang manloob sa isang kooperatiba sa Malolos, Bulacan pasado alas-nueve nitong umaga ng Biyernes.
Sa nangyaring enkwentro, kaagad na napatay ng pulisya ang tatlong suspek, habang napatay naman ang isa pa nang tangkain nitong tumakas.
Malubha namang nasugatan ang pulis na kinilalang si PO3 PJ Manalad na kaagad na dinala sa ospital.
Ayon sa ulat, apat na araw nang binabantayan ng Philippine National Police ang Palayan sa Nayon Multi-Purpose Cooperative sa Barangay Ligas, Malolos City matapos makatanggap ng impormasyon na nanakawan ito.
“Napansin nilang may pulis sa paligid, nag-engage na sila nakipagputukan kaya nga nabaril yung isang pulis natin, at yung isang kasamahan nila nakatakbo gamit yung Vios kotse at inabutan ng hot pursuit operation natin, drug entrapment operation sa may crossing kaya dun na sya nabaril din,” pahayag ni PNP Region III Director, Chief Supt. Raul Petrasanta.
Samantala, sugatan din ang isang sibilyan na nasa harapan lamang ng kanyang bahay matapos tamaan ng ligaw na bala.
Sa ngayon ay ligtas at nakauwi na sa kanilang bahay ang nadamay na sibilyan.
Ayon sa ulat, ito na sana ang pangatlong beses na nahold-up ang nasabing kooperatiba.
“Ito kasing multipurpose cooperative ay palaging nabibiktima. Ito rin ang kinonsider nila na soft target na pwedeng balikan ng mga holdaper,” saad pa ni Petrasanta. (Nestor Torres / Ruth Navales, UNTV News)