LEGASPI CITY, Philippines – Nasawi ang dalawang sundalo ng 2nd Infantry Batalion matapos tambangan ng mga hinihinalang miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa Barangay Maupi Anislag, Daraga, Albay, dakong ala-7 ng umaga nitong Lunes.
Ayon kay 2nd Lt. Joel Pedrigoza, team leader ng 2nd IB, magsasagawa sana ng inspeksyon ang dalawang sundalo sa distribution ng relief goods sa Anislag Evacuation Center nang paulanan ng bala ng mga rebelde.
“Papunta sana sa Anislag Evacuation Center where in nandoon yung mga kababayan natin na apektado ng possible sanang pagputok ng Mayon yung nasa 6-km danger zone, pupunta sana yung mga tropa natin dun para mag-conduct ng covert relocation.”
Kwento naman ng mga residente na malapit sa lugar, nakarinig sila ng maraming putok ng baril at pagkatapos ay nakita nila ang bangkay ng dalawang sundalo. (Nems Romanillos / Ruth Navales, UNTV News)