MANILA, Philippines – Kinasuhan na ng Department of Justice ang apat na Chinese national na nahulihan ng P7-billion halaga ng shabu sa dalawang magkahiwalay na raid sa Pampanga nitong Setyembre.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isinampa sa San Fernando, Pampanga Regional Trial Court laban kina Jason Lee, Willy Yao alyas “Jun Lee” at Near Tan alyas “Tsoi”, na pawang mula sa Xiamen, China; at si Ying Ying Huang alyas “Sofia” na mula naman sa Fujian, China.
Ayon sa DOJ, kinakitaan ng probable cause upang kasuhan ang mga naarestong Chinese national.
Mahigit apat na raang kilo ng shabu, sampung litro ng liquid shabu at mahigit siyam na raang kilo ng ephedrine na sangkap sa paggawa shabu ang nakumpiska sa raid.
Ito na ang pinakamalaking bulto ng illegal na droga na nakumpiska sa bansa.
Hinihinalang miyembro ang apat na Chinese national ng Lee at Ahsy Drug Syndicate na nag-ooperate sa South East Asia.
Posible umanong dito sa Pilipinas ang pagawaan ng grupo ng shabu ngunit maaaring dito na rin sa bansa ibinebenta ang mga ilegal na droga. (UNTV News)