MANILA, Philippines – Partially granted ang desisyon ng Sandiganbayan sa hiling ni dating presidente at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo na makadalo sa lamay at libing ng yumaong apo na si Jorge Alonzo Arroyo.
Batay sa inilabas na resolusyon ng Sandigbayan ngayong araw, pinahihintulutan nito na makabisita si Arroyo araw-araw, mula ngayon hanggang Nobyembre 9 sa lamay ng apo sa North Forbes Park sa Makati City mula ala-1 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi.
Pinagbigyan din ng korte na makapunta si Arroyo sa libing ng apo sa Nov. 10 sa Sanctuario De San Antonio Columbarium sa Makati City mula alas-9 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Nagbigay naman ng ilang mga kundisyon ang korte.
Una ay kailangang siguruhin ni PNP Chief Director General Alan Purisima na bantay-sarado si Arroyo sa tuwing lalabas at babalik ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Magiging mahigpit din ang korte sa oras at petsa na itinakda nito para kay Arroyo.
Kailangang kontrolado rin ng PNP ang lahat ng uri ng kumunikasyon katulad ng cellphones at ibang gadgets na maaaring gamitin ni Arroyo.
Hindi rin pinahintulutan ng korte na magpaunlak ng interview sa media ang dating pangulo, at siya ang sasagot sa lahat ng gastusin sa kanyang paglabas sa VMMC.
Samantala, hindi naman pinagbigyan ng korte ang hiling na house arrest ni Arroyo sa La Vista Subdivision sa Quezon City.
Kasalukuyang naka-hospital arrest si Arroyo sa VMMC dahil sa kasong plunder na kinakaharap nito kaugnay ng maanomalyang paggamit ng pondo ng PCSO na nagkakahalaga ng mahigit P366 million. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)