MANILA, Philippines – Hindi na naman sumipot si Vice President Jejomar Binay sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes kaugnay ng mga anomalyang ibinibintang sa kanya.
Una nang inimbitahan ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Teofisto Guingona III si Binay upang sagutin ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya at sa kanyang pamilya.
Dismayado si Guingona sa hindi pagdalo ng bise presidente, lalo na at hindi ito nag abiso na hindi dadalo sa hearing.
“Nanghihinayang ako na tinanggihan niya sa kabila ng pagtiyak na siya ay bibigyan ng respeto at patas na pagtrato.”
Ayon kay Guingona, sinayang ni Binay ang pagkakataon na maiparating sa taumbayan ang kanyang panig sa mga kinasasangkutang isyu.
Samantala, dumating naman ang dalawang kaalyado ni Binay na sina United Nationalist Alliance (UNA) Interim President Cong. Toby Tiangco at UNA Interim Secretary Atty. JV Bautista.
Dala ng mga ito ang isang liham mula kay Binay, at affidavit na isusumite sa Senado.
Hiniling ng kampo ni Binay na mabasa ni Bautista sa committee ang statement ng bise presidente, subalit hindi ito pinagbigyan ng mga senador.
Nagpatawag naman ng press conference sina Tiangco at Bautista matapos i-adjourn ni Guingona ang pagdinig.
Paliwanag Bautista, una nang nagpasya si Binay na dumalo sa pagdinig, ngunit dahil sa mga inasal nina Sen. Antonio Trillanes IV at Sen. Alan Peter Cayetano sa mga nakalipas na araw ay nagbago na ito ng desisyon.
“Trillanes’ expressed statement that he was prepared to grill the VP for 6hrs. For the record, we have an authorization letter from VP, last minute on the part of the VP not to attend today’s hearing.”
Ayon kay Atty. JV Bautista, bumiyahe ang bise presidente sa Cebu nitong Huwebes.
Sa kabila naman ng hindi pagdalo ng Pangalawang Pangulo ay ipinagpatuloy ng Senate Blue Ribbon Sub-committee ang pagdinig. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)