MANILA, Philippines – Mariing pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang kumakalat ngayong balita sa social media na may labing-walong kaso na ng Ebola virus na naitatala sa isang ospital sa Quezon City.
Sinasabi rin sa balita na may labing-dalawang personnel din ng naturang ospital ang iniligay sa isolation room dahil sa posibilidad na makahawa ang mga ito.
Nagmula umano ang balita sa isang nagngangalang Gemma Sheridan na nagpakilalang empleyado ng DOH.
Ngunit ayon kay Health Acting Secretary Janette Garin, wala silang empleyado na nagngangalang Gemma Sheridan.
“Puro po kasinungalingan ang report na ito.”
Muli namang tiniyak ng kagawaran na sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang pagmomonitor ng inter-agency task force upang mapigilan ang posibleng pagpasok ng Ebola virus sa bansa.
Panawagan ng DOH sa publiko, iwasang magpakalat ng maling impormasyon, upang hindi magdulot ng takot at pangamba sa ating mga kababayan.
“Nanawagan kami doon sa mga gumagawa ng mga ganitong kwento, please naman po, public health is everybody’s concern,” saad nito.
“Kung tatakutin po natin ang sambayanang Pilipino, hindi po tayo nakakatulong.”
Dagdag pa ni Dr. Garin, ang pagpapakalat ng maling impormasyon ay maaaring magdulot ng takot sa publiko at magpalala sa sitwasyon.
Samantala, katuwang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang DOH sa pangangalaga sa 112 UN Peacekeepers na nakatakdang dumating sa bansa sa Martes, Nobyembre 11.
Kinumpirma ng AFP na sasailalim sa 21-day quarantine period sa isang isla ang mga nasabing peacekeepers upang malaman kung positibo o negatibo ang mga ito sa Ebola virus. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)