MANILA, Philippines – Hindi pa rin tapos ang konstruksyon ng mga nasirang police station sa Eastern Samar at Tacloban, Leyte.
Ito ay dahil nito lamang Hunyo nai-release ang pondo na nagkakahalaga ng mahigit P335 million para sa repair, rehabilitation at construction ng mga ito.
Ayon kay PNP PIO Chief P/CSupt. Wilben Mayor, nasa 13 notice of fund availability ang inilabas ng Directorate for Comptrollership noong June 2014 na nagkakahalaga ng P335,386,414. 86 para sa mga sinalanta ng Typhoon Yolanda sa Bicol Region, MIMAROPA, Western Visayas, Eastern Visayas at CARAGA Regions.
“Sinusunod natin ang proseso para maging maayos yung pagbibigay ng pondo sa mga magko-construct.”
Sinabi pa nito na mahigit P294-milyon ang inilaan nila sa Eastern Visayas na malubhang sinalanta ng Bagyong Yolanda kung saan 183 ang mga nasirang istasyon ng pulis at mga office building.
Habang nasa kasagsagan pa ng konstruksyon ang 15 municipal police station sa Leyte na nilaanan nila ng mahigit sa apat na milyong pisong pondo.
Nire-repair din ang ilang pasilidad at opisina sa regional headquarters sa Camp Kangleon sa Palo, Leyte.
“Ito yung programa ng pamunuan ng Philippine National Police para ma-rehabilitate ang mga police station at mga facilities na nasira ng Yolanda,” saad pa ni Mayor.
Kabilang sa mga regional office na binigyan ng pondo ng PNP ay ang nasa REGION 4B, 5, 6, 7 at 13.
Idinagdag pa ni Mayor na maging ang mga pulis na naapektuhan ng Typhoon Yolanda ay binigyan din ng financial assistance ng PNP. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)