Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Bagong termino sa storm surge at kategorya ng bagyo, gagamitin na ng PAGASA

$
0
0

“Kasi yung tsunami lang ito yung earthquake, under water volcanic eruption saka paggalaw ng lupa so yun tsunami, pero pag nilagyan mo ng “meteo-tsunami” so ito ay meteorological ang nag-generate ng tsunami.” — Rene Paciente, PAGASA Weather Specialist (UNTV News)

MANILA, Philippines – Gagamitin na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang terminong “meteo-tsunami” para sa storm surge na dulot ng isang bagyo.

Ang storm surge ay katulad ng nangyaring pag-apaw ng tubig-dagat sa Tacloban noong November 8, 2013 dahil sa malakas na hanging taglay ng Bagyong Yolanda.

Karaniwan namang ginagamit ang tsunami sa matataas na pag-alon o pagragasa ng tubig sa dalampasigan kapag nagkaroon ng lindol sa karagatan gaya ng nangyari sa Japan.

Nais ng weather agency na mabigyang-diin at maipaunawa sa publiko na ang storm surge ay mala-tsunami.

“Kasi yung tsunami lang ito yung earthquake, under water volcanic eruption saka paggalaw ng lupa so yun tsunami, pero pag nilagyan mo ng

“meteo-tsunami” so ito ay meteorological ang nag-generate ng tsunami,” paliwanag ni Ginoong Rene Paciente, weather specialist ng PAGASA-DOST.

Ayon sa PAGASA, sapat naman ang ginawang babala ng ahensya kaugnay sa Bagyong Yolanda subalit nagkaproblema lamang sa pag-unawa ng publiko sa pinsalang maaaring idulot ng storm surge.

Sa mga bulletin na inilalabas ng weather agency noon, nasa limang metro ang maaaring taas ng storm surge.

“Ang senaryo kasi doon sa mga naapektuhang lugar, lalo na dito sa Tacloban di nila akalain na ganun kalaki yung storm surge na tatama sa kanila at saka hindi daw nila maintindihan kung ano yung storm surge,” saad pa ni Paciente.

Magugunitang Nobyembre 6 noong nakaraang taon, at paparating pa lamang ang Bagyong Yolanda sa bansa ay nagbigay na ng advisory ang PAGASA dahil sa lawak at lakas nito at sa posibleng maging impact nito sa bansa.

Mismong si Pangulong Aquino ay nanawagan sa publiko ng ibayong pag-iingat dahil sa malakas na bagyo.

Ang naunang sinabing 235 kilometers per hour (kph) na taglay nitong lakas ng hangin ay pumalo pa sa 275kph ang pagbugso, habang nasa 35kph naman ang bilis nito.

Tinagurian si Yolanda o Haiyan sa kanyang international name na pinakamalakas na bagyong tumama sa lupa.

“Yung lakas niya habang siya ay kumikilos palapit sa kalupaan, lumakas nang lumakas siya,” ani Ginoong Paciente.

Nag-iwan ito ng mahigit 6-libong patay at halos P40-bilyong pinsala sa mga ari-arian at imprastraktura.

Sa susunod na taon ay gagamitin na rin ng PAGASA ang kategoryang super typhoon kapag lalampas sa 220kph ang lakas ng isang bagyo.

Panawagan ng PAGASA sa publiko, ugaliing makinig sa kanilang anunsyo tuwing may paparating na bagyo upang makapaghanda.

Nakikiusap rin ito sa mga kinauukulan ng agarang aksyon sa panahon ng kalamidad, upang hindi mabalewala ang kanilang pagsisikap na maibigay ang tama at maayos na ulat panahon. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481