MANILA, Philippines – Nakikipagtulungan na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa paghahanda ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan laban sa Ebola virus.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Alexander Pama, hindi lang iisang ahensya ng pamahalaan ang dapat na kumilos upang hindi makapasok ang nakamamatay na virus sa bansa.
Sinabi ni Pama na hindi biro ang Ebola virus kaya’t kailangan itong pagtulong-tulungan ng mga ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbuo ng isang technical working group.
“Yung ibang mga ahensya will definitely have support roles on this, hindi naman pwedeng mag-imbento yung ibang ahensya kung ano yung gagawin nila, so sama-sama dito sa technical working group na made-define natin.”
Gayunman, nilinaw nito na ang Department of Health (DOH) pa rin ang lead agency sa pagkilos laban sa Ebola at susuportahan lamang ng iba’t ibang ahensya tulad ng DILG-PNP, DND-AFP, DOTC, Immigration at iba pa.
“Hindi natin masabing we are totally isolated from that, plus napakarami nating kababayan sa labas eh pambobola na lamang kung sasabihin na malayo at walang darating sa atin,” giit pa ni Pama.
Idinagdag pa nito na mas contagious ang tigdas kumpara sa Ebola kaya’t importante ang tamang protocol at sistema upang ito ay makontrol.
Paliwanag pa ng opisyal, hindi kailangang madaliin ang trabaho kundi mas importante na guided ito ng mga eksperto. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)